Showing posts with label Filipino. Show all posts
Showing posts with label Filipino. Show all posts

30.12.11

Gutom na Doggie

          Gabi na ako nakaalis sa isang get together kasama ng aking mga kabarkada sa kolehiyo. Pagkatapos naming pinagsaluhan ang manok, back ribs, at tsaka ice cream sa isang mahaba at masayang kwentuhan ay nagsiuwian din kami.
          Malapit nang mag alas onse at wala na ni isang traysikel ang pumapasada. Ayaw namang pakiusapan ng ibang drayber na ihatid ako sa aming bahay dahil iba raw ang kanilang rota. Kaya, heto ako, parang nanglilimos sa isang kanto sa madilim na gabi.
          At ang kasama ko lamang ay ang isang asong tila gutom na gutom. Mabilis niyang hinahalukay ang basurahang wari'y ilulublob niya na ang kanyang buong katawan dito. Buong araw yatang hindi nakakain ang askal na ito. Kawawa naman siya. Saan kaya ang amo niya? Tingnan niyo na lang ang susunod na mga larawan.


          Napaisip ako. Bilang tao, nakakakain ako ng tatlong beses sa isang araw ngunit ang askal na ito, tila nagsusumamong may matatagpuang pagkain na ipanlalaman sa tiyan. Ako nga na hindi madalas nalilipasan ng gutom ay nagrereklamo pa sa mundo kung ba't hindi ang "favorite" ko ang nasa hapag kainan, paano na lang ang ibang mga nilalang na kahit sa paglubog ng araw ay hanap-hanap pa rin ang ipangsisilid sa sikmura?
          Maswerte ako. Dapat ko yan ipagpasalamat. Kung maririnig ko man ang sarili kong nagrereklamo dahil hindi ko paborito ang ulam na nakahanda, dapat ko lang tandaan agad ang mga nagugutom tulad ng askal na ito na halos ilublob na ang sarili sa basurahan para lang maituwid ang gutom.

16.12.11

Movie Review: The Art Of Getting By

         Ang mga kabataan, lalung-lalo na yung mga teeneydyer, ay dumadaan sa punto ng buhay kung saan mas nangangailangan sila ng pag-unawa, pag-gabay, at suporta mula sa kanilang mga magulang at sa iba pang mas nakatatanda. Ito na siguro ang kritikal na pinagdadaanan ni George Zinavoy (dinadala ni Freddie Highmore) , ang pangunahing tauhan sa pelikulang “The Art of Getting By”.
          Dahil sa mga problemang kinakaharap ni George, gaya ng kawalan ng atensyon ng ina nito sa kanya at ang pagmamaliit sa kanya ng kanyang ama-amahan, naging mabigat at hindi mabuti ang epekto nito sa kanyang pagkatao. Ito’y naging hadlang sa kanyang pag-aaral at pakikisalamuha sa iba.
          Para kay George, lahat naman daw ng tao ay nabubuhay ng mag-isa at namamatay din ng mag-isa. Tayo raw ay nabubuhay sa isa lamang  ilusyon. Ba’t pa raw siya magtitiyaga at magpapakahirap kung alam niyang lahat tayo ay pareho lang naman ang kahihinatnan? Ito ay ipinahayag ng kanyang karakter sa pagbukas ng naturang pelikula. Dahil sa paniniwala niyang ito, makailang ulit na siyang pinapunta sa opisina ng principal. Ang masaklap pa, sisibakin siya kapag hindi niya naipasa ang lahat ng kanyang mga requirements na lubhang lampas na sa deadline.
          Mapag-isa at malalim mag-isip si George. Mabuti na lang at nakahanap siya ng kaibigan sa katauhan ni Sally Howe (dinadala ni Emma Roberts). Umusbong ito sa komplikadong pagmamahalan na dala rin mismo ng kabataan.  May mga isyung personal din si Sally  na maaaring nagmula sa paghihiwalay niya sa kanyang ama noong musmos pa lamang siya. Siguro’y kanyang pinupuno ang kulang sa kanyang katauhan sa piling ni George.
          Sa sitwasyong kinahaharap ng mga teeneydyer na mga ito, napagtanto ko na kinakailangan ng mga kabataang ito na maimulat sa mga katotohanan sa buhay at tulungan sila kung paano harapin ito. May mga problema o “stressor” na lubos na mabigat sa kanilang kakayahan, datapwat, importante na sila’y pakinggan, pagtuunan ng pansin, at tulungan sila sa mga bagay-bagay na gumugulo sa kanilang isipan. Dapat din silang tulungan pagyamanin ang kanilang mga talento at huwag maliitin ang kanilang mga mithiin sa buhay, maliit man o malaki.
          Kaparis ni George, ang pagpansin ng kanyang ina sa kakayahan niyang magpinta at ang paglaan nito ng oras sa anak kahit sa simpleng kwentuhan man lang ay siyang naging motibasyon ng bida upang tapusin ang kanyang mga requirements sa paaralan upang siya’y makatapos ng sekondarya.
          Simple lang ang sinematograpiya ng pelikula dahil wala naman itong halong kaartehan. Gayunpaman, makawiwili itong tingnan at nakukuha ng kamera ang mensaheng sinisikap na ipahayag ng kwento. Ang bawat karakter ay may sariling mga isyu. Hindi lamang idiniin lahat ang enerhiya sa bida sapagkat maaantig ka rin sa mga istorya ng iba pang mga tauhan. Natural ang kanilang pag-arte. Ang daloy ng kwento ay payak ngunit tagos sa puso sapagkat naglalarawan ito sa realidad ng buhay lalung-lalo na sa mga kabataan.
          Ang “The Art of Getting By” ay isa na namang nakaka-inspire na pelikulang nag-uudyok sa atin na huwag magpadaig sa mga problema, sa halip, patuloy lang nating mahalin ang ating mga kapwa habang inaabot ang ating mga pangarap.

10.12.11

Old Spice Deodorant

          Sa mga pabangong panlalaki, gusto ko ang amoy na hindi masyadong mabagsik at malakas. Gusto ko ang bangong bagay lang saan mang okasyon ka pumunta.
          Sa deodorant, ganoon din. Nais ko ang bangong "chill" lang pero alam mong tatagal kahit anumang oras kang pagpapawisan.
          Ito ang nahanap ko sa "Old Spice" High Endurance deodorant. Hindi na ako mamomroblema kapag naubusan ako ng perfume o cologne dahil ang amoy nito ay maaari ng mahalintulad sa anumang pabango na type ko - - hindi kalakas pero hindi rin masasabi na ito'y pambabae.
          Sa likod nito, may nakalagay na: Contains Odor-Fighting "Atomic Robots" that "Shoot Lasers" at your "Stench Monsters" and replaces them with fresh, clean, masculine "scent leaves". Astig talaga! Salamat sa tita ko abroad na nagpadala nito. 

15.9.11

Inip

Naaanay na ako sa kahihintay.
Paa at tuhod nangangalay.
Tiyan ay wari'y kumukulo na.
Bukas pa ba ang traysikel na ito lalarga?

Naiinip. Naiinip.
Sana mapuno na ang upuan,
Para sa bahay ay makapagpahinga.

Kalahating oras.
Mata'y pinikit na lamang.
Laway tumula na.

9.9.11

Aaliwalas Din

Kwarto ko'y akin nilinis,
Kapit ang walis na galing Bagiuo,
Kasama ng stainless na dustpan.
Humanda kayong mga basura,
Na tila ginugulo ang aking isipan.

Mga bote ng mineral water.
Buhangin sa ilalim ng kama.
Gagambang naninigas na.
Punit punit na mga papel at magasin.
Mga resibong wala ng silbi.

Aaliwalas din ang munti kong silid,
Na tila napabayaan at di' minahal.
Sa kama nito'y ako'y nahihimlay,
Kasama ng mga hapis na aking dinadala.

Bukas, sana'y aaliwalas din ang aking pakiramdam.


13.7.11

Iimbitahan ko si Lolo Mag-Videoke

         Isang araw, dinala namin ang aming lolo sa St. Paul’s Hospital Iloilo dahil nananakit daw ang kanyang likuran at ubo siya nang ubo. Doon nalaman na may tubig daw ang kanyang baga. Nariyan daw sa 700 ml ang nakuha mula sa nagtitiis niyang baga.
          Buti  na lang at malinis, malapad, at maaliwalas ang silid na aming tinuluyan sa ospital. Mukhang bagong pintura ang mga pader nito at kumpleto naman ito sa kagamitan. Feeling ko nag-hotel lang si lolo. Buti na lang may philhealth at senior citizen card siya kaya’t menos gastos.
          Nagbantay ako buong umaga pero nang dumating na ang aking pinsan, umalis din naman ako para makipagkita sa mga kaibigang sina Ciong at Jo sa Atrium Mall. Dumiretso na lang kami sa SM City para magkwentuhan at mag-bonding upang hindi naman masayang ang madalang naming pagkikita. Kasama rin nila si Lynn na ngayon ko lang mismo nakilala.
          Ang plano namin noong araw na iyon ay mag-videoke kaya’t pumunta kami sa Quantum. Kaya lang maraming mga estudyante at iba pang mga kustomer na pumupuno ng mga videoke rooms kaya’t habang wala pang bakante ay inabala na lang namin ang mga sarili sa mga laro gaya ng basketbol, karera ng sasakyan, hockey, at baril-barilan kung saan parang titirahin mo yung maliliit na aliens na lumilipad. Hindi namin namalayan, marami na palang nakatapos magkaraoke at naunahan na kami ng ibang mga kustomer.
   
   Dumiretso na lang kami sa Bibo pero puno rin. Nagulat lang kami kung ba’t ang daming tao ang nakalibot sa entabladong nakatayo malapit saToy Kingdom . Dumating pala ang mahusay na mang-aawit na si Sarah Geronimo. Simple lang ang kanyang kagandahan at hindi nakakasawa. Parang hindi na siya kumanta at nag-plug lang ng konsyerto niya na gaganapin sa Central Philippine University sa susunod na araw.
           Bago namin makalimutan ang plano namin sa araw na iyon, bumalik kami sa Bibo at nagbabasakaling may bakanteng silid para sa karaoke. Salamat sa Diyos at mayroon nga! Sabik talaga kaming kumanta at the top of our lungs. Kahit hindi abot ang mga nota ay hataw pa rin kami sa pagbirit. Ang finale song namin ay ang “Survivor” ng Destiny’s Child. Ang saya saya lang!

       
         Anong aral ang natutunan ko sa araw na ito? Kung may gusto kang isang bagay na nais mong makamtan, babalik-balikan mo ito bitbit ang pag-asa na may ilalaan para sa iyo. Gaya ng kwento ko, plano talaga namin ang mag-sing-along. Hindi namin natupad ito kapag nawalan kami ng pag-asa na makakanta dahil puno lagi ang mga silid para sa videoke. Kung huminto kami sa paghintay o sa paghanap ng maaaring pagkantahan, eh di siguro nag-malling na lang kami at tumingin-tingin lang sa mga mamahaling mga bagay sa mga pamilihan, hindi ba? Inaasahan din na mahaba ang iyong pasensya habang unti-unti mong inaabot ang iyong mga ninanais. Sa pagbalik ko sa ospital, kinakailangan ko talaga ang asal na ito kasi magiging abala ako sa pagbili ng mga gamot at pagbayad ng mga bayarin. Kapag lumabas na si lolo sa ospital, iimbitahan ko talaga siyang mag-videoke.
          Kaya’t huwag mawalan ng pag-asa at habaan pa ang pasensya. Kung gugustuhin, may mararating.

1.7.11

Tulog na 'Di Bitin

          Uminom ako kagabi ng iced latte sa isang coffee shop kasama ng aking mga kabarkada sa highschool. Tila malakas yata ang tama ng inumin na ito sa akin na hirap akong makatulog hanggang sumikat ang araw. Nakakainis dahil kahit anong pilit kong makatulog nang tuloy-tuloy, gigising ako sa gitna ng minu-minutong pagkaidlip kaya heto ako ngayon, medyo kumikirot ang ulo at hindi alert, alive, at enthusiastic.
           Maliban sa kape, isa ring dahilan kung ba't hindi ako makatulog ng 7-8 oras sa isang araw (na siya raw wastong haba ng oras ng tulog para sa may sapat na gulang na kagaya ko upang maging produktibo sa kanyang mga gawain) ay ang shift work kung saan kailangang dilat ang aking mga mata mula 11 pm hanggang 7 am. Nasisira nito ang nakasanayan na ng katawan ko na matulog sa gabi at gumising buong araw. Ito siguro ang circadian rhythm o ang biological clock function ng aking katawan na nagpapagana ng aking sleep-wake cycles. Kaya't kapag may trabaho ako sa gabi hanggang tumilaok ang manok, tila hindi maiiwasan ng aking katawan na makaramdam ng pagod at paghina.
          Ginagawa ko ang aking makakaya na sanayin ang sarili sa shift work at kasama rito ang pagbawi sa mga oras ng tulog na ipinagkait ko sa aking katawan. Siyempre, gaya ng pagtulog ng kaunting oras, hindi rin malusog ang sobra-sobrang pagkaidlip. Hindi ba't naranasan mo nang matulog nang higit sa iyong nakasanayan ngunit nang nagising ka ay antok at paghihina pa rin ang iyong nararamdaman? Ito'y dahil imbis na gumising ka na at harapin ang buhay, pinili mo pa ring humimlay na siyang umudyok sa iyong melatonin hormones na manatili nang mas matagal sa iyong katawan kahit ika'y gising na.
          Ang melatonin ang siyang inilalabas ng pineal gland sa utak kapag madilim na ang iyong silid at handa ka nang matulog. Sapagkat natulog ka nang higit sa kinakailangan ng iyong katawan, humina ang iyong sleep system at akala mo'y kulang pa ang iyong pahinga sa oras na nilisan mo na ang kama.
          Pero, paano nga ba natin masasabi na nasa tama ang ating pahinga? Sabi ng mga pag-aaral, kahit 7-8 oras ka pa raw natulog at pag-gising mo ay parang ngarag at iritable pa rin ang iyong pakiramdam, maaaring kulang o sobra ang iyong pahinga. Ang iba naman, kahit limang oras lang ang tulog at kinaumagahan ay bibong-bibo sila, maaaring tama lang ang haba ng tulog na kanilang inilagak sa kanilang katawan.
           Mayroon kasing tinatawag na basal sleep need o ang kahabaan ng tulog  na nais ng ating katawan sa pang-araw-araw. Dapat nating isaisip na napakaindibidwal ng pangangailangan sa tulog ng bawat tao. Ang mga bata ay karaniwang natutulog ng 11-12 hours kasama ng siesta sa tanghali. Ang mga sanggol naman ay natutulog ng 3-4 oras tapos gigising ng 1-2 oras, matutulog at gigising na naman ulit - ito ang sleep-wake cycle nila sa kabuuang 24 oras.
          Kung may basal sleep need, mayroon ding sleep debt. Ito ang mga tulog na hindi natin naibigay sa ating katawan dahil sa sakit, poor sleep habits, at bisyo gaya ng paninigarilyo at pag-inom ng alak. Kapag hindi raw natin nabayaran ang sleep debt na ito, maaaring makaramdam tayo ng antok sa oras na dapat ay alerto tayo.
          Kaya ako, binibigyan ko na ngayon ng kaukulang pansin ang pagtulog. Ang kaunting tulog kasi ay nakakaapekto raw sa ating produktibidad at abilidad ng utak na humagilap ng impormasyon. Hindi lang iyan, maaari ka ring magkaroon ng diabetes, obesity (mas chichibog ka nang maramiu kapag kulang ang iyong tulog), sakit sa puso, at depresyon.
          Ito ang mga kaunting tips para ika'y magkaroon ng tamang tulog para masasabi mo rin na sleep is a luxury.
  • Magkaroon ng iskedyul sa oras ng pagtulog at paggising. Ugaliing sundin ito kahit sa weekends.
  • Huwag uminom ng mga inuming may caffeine dahil ang epekto nito ay tumatagal ng 12 oras. Bawal din ang mga tobacco products sa gabi. Huwag uminom ng tubig o ibang fluids isang oras bago matulog basta't siguraduhin lang na nakainom ka ng 1-2 litro sa isang araw. Iwasan din ang alkohol dahil hindi ito makatutulong sa kalidad ng pagtulog.
  • Siguraduhing tapos ka nang mag-dinner 2-3 oras bago humapay sa kama. Kapag nagugutom sa panahon ng pagtulog, kumain ng pagkaing magaan sa tiyan pero hindi mataas ang sugar content. Ang tryptophan ay makatutulong sa pag-relax ng katawan at makikita ito sa gatas, pabo, yogurt, tuna, at mani. 
  • Isang oras bago matulog, maaaring maligo sa maligamgam na tubig, o makinig sa nakakapahingang musika.
  • Patayin ang ilaw, ang mga nakagagambalang mga tunog, at siguraduhing komportable ka sa iyong kama at mga unan. Nararapat din na tahimik ang paligid para walang abala sa iyong pagtulog.
  • Gamitin lamang ang kama sa tulog at sex. Iwasan ang mga sleep stealers gaya ng panonood ng tv, paggamit ng laptop at pagbasa sa higaan.
  • Pwede ring mag-exercise sa araw (gaya ng pagtakbo at paglangoy) o ilang oras bago matulog (huwag lang ang agarang pag-exercise bago matulog dahil maaaring manakit ang iyong mga kalamnan na siyang magpapahirap sa iyong umidlip). Ginagamit ng katawan ang pagtulog para sa repair and recover. Kung hindi sapat ang nararapat na ayusin ng katawan, makakaapekto ito sa iyong sleep cycle.
          Kaya ngayon, sinisiguro ko na makatatanggap ang aking katawan ng sapat na pahinga. Alam kong ang wastong tulog ay makapagbibigay lakas sa akin laban sa pagod at mga samu't saring sakit nang sa ganoon, masasabi kong ang tulog ko ay 'di bitin.

mga sanggunian:
http://stason.org/articles/wellbeing/sleep/how_many_hours_do_you_need_to_sleep.html 
http://www.wikihow.com/Sleep-Better
http://www.formerfatguy.com
http://medheadlines.com
http://www.sleepfoundation.org


22.6.11

May Paniki sa Aking Kwarto

          Kagabi, natulog ako sa sala namin. Kasi naman, noong pumunta ako sa aking kwarto, bumulagta sa akin ang isang paniki na sinlaki ng maliit na bote ng mineral water. Nariyan siya sa aking kama, nagsusumikap lumipad nang mataas upang makalabas sa aking bintana.
          Ngunit hirap itong angatin ang sarili at mukhang may sugat pa ang kanyang pakpak na sa aking tanto, siyang dahilan kung ba’t nahulog ito sa aking bintanang kahoy na malalaki ang mga puwang.  Ang paniki ay medyo mataba at kulay dark orange ang kanyang balat. Nakakatakot pa rin itong tingnan kahit mas natatakot ako sa paniking kulay itim. Ang makitang ito’y palundag-lundag sa aking kama ay sapat na upang tumindig ang aking balahibo.
           Kaya’t pumunta ako agad-agad sa sala upang ibalita ang aking nakita sa mga kapamilya kong nanonood ng teleserye. Sumigaw ako, “May kulunatnit!!!  May kulunatnit sa aking kwarto!!!”.  Nanlaki ang mga mata ng aking mga pinsan, lolo’t lola, magulang, at  ng nakatatandang kapatid ko na lalaki maliban lang sa aking nakababatang kapatid na babae. Tanong niya, “Ano ang kulunatnit???”. Siyempre nag-korus ang lahat na sagutin siya, “Ede paniki!!! Ayteh!!!” (Ang kulunatnit ay ang Hiligaynon o Ilonggong salita ng paniki.).
          Tinawag ko ang kanilang atensyon dahil nais kong tulungan nila akong palabasin ang mamal na ito sa aking kwarto. Siyempre, gusto ko nang matulog nang mahimbing pero paano naman mangyayari iyon kung may umaaligid na hayop na mabalahibo at lumilipad-lipad?
          Nang bumalik ako sa kwarto kasama ng aking mga pinsan, namataan ng pinsan kong babae na mabilis itong pumasok sa ilalim ng matres. Siguro natakot ito sa ilaw kaya’t naghanap ng matataguan na sindilim ng kuweba. Tiningnan namin ang ilalim ng higaan pero hindi namin mahanap ang maliksing nilalang na ito. Pinalabas na namin ang ibang gamit  na nakatago sa baba ng higaan pero hindi ko pa rin masilayan kahit dulo ng pakpak nito. “Grabe, ang bilis naman magtago ang paniking iyon!!!”, sambit ng pinsan kong babae. “Tara, kunin natin lahat ng gamit upang ito’y mapalabas.”
Parang ganito ang itsura ng paniking nakita ko. Ang tawag dito ay Philippine Dwarf Fruit bat.  Picture by:   
                                              http://www.fmnh.org/vanishing_treasures/V_FruitBat.htm

          Pero sabi ko, “Hayaan na lang natin muna siyang magtago.” Sa isip ko, siguro’y makalalabas din siya ng kwarto sa kanyang sariling pagsisikap. Iniisip ko na aabangan niya ang pagkakataong patay ang ilaw at siya’y pupuslit palabas ng aking silid o di kaya'y nakalabas na siya nang hindi namin namamalayan.
          Wala akong choice kung hindi matulog sa sala at magpakasasa sa lamok na pinipiyestahan ang aking paa kahit balot na ito ng kumot. Ayoko namang pag-gising ko, katabi ko na ang paniki at tinititigan ako ng kanyang nanlilisik na mga mata. Di bale, hahanap ako ng oras na mag-general cleaning sa aking silid at sana, hindi ako nagkamali sa aking hinala. Sana’y nakapuslit siya sa gabing madilim habang ako’y natutulog sa sala.

13.6.11

Timpla ng Sayaw at Drama sa Pelikulang "In the Name of Love"

            Madrama ang mga tagpo sa pelikulang In The Name of Love na idinirek ni Olivia M. Lamasan ngunit hindi lang naman iyak ang ihahatid nito. Matatawa ka rin sa mga eksenang pinagbibidahan ng magsing-irog na sina Eman Toledo (Aga Mulach) at Cedes Fernandez (Angel Locsin) noong buhay pa ang kanilang pag-iibigan at hindi pa ganoon kabigat ang balakid na dumaan sa kanilang pagmamahalan – ang balakid na umapekto nang malaki sa kanya-kanya nilang mga buhay.
          Ipinakita sa pelikula ang isyu na kinahaharap ng mga OFW na nagtatrabaho sa Japan gaya na lang ng pagiging sangkot nila sa mga illegal na transaksyon sa mga sindikatong Hapones para lang makapadala ng pera sa mga naghihirap na mga kapamilya sa Pilipinas. Sa kasamaang palad, kapag nahuhuli ang mga Pinoy, hindi na nila makakapiling ang mga kamag-anak sapagkat nakukulong sila sa bayang banyaga kung saan wala silang kalaban-laban.
           Naipahiwatig ang suliraning ito sa paraang ito ang pinagmulan ng pagbabago ng mga katangian at karakter ng dalawang bida. Si Cedes, na nagtatrabaho bilang entertainer sa Japan ay isang masigla, makulit, at madaldal na dalaga. Pagkatapos ng naturang problema, siya ay naging tahimik, matamlay, at seryosong kasintahan ng isang politiko. Si Emman naman ay mananayaw sa Japan na umibig  kay Cedes ngunit naging mas matibay at mas malakas na tao pagkatapos humiwalay ang kanilang mga landas. Aabangan ng mga manonood ang mga nakakailang, nakakaiyak, at mga maiinit na eksena noong muling nagkita ang dalawa.
           Kahit hindi kilalang mga mananayaw sina Aga Mulach at Angel Locsin, mapapansing kabisado at napaghandaan nila ang kanilang mga sayaw. Minsan, matatawa ka at maninibago sa kanilang mga galaw. Paborito ko ang pole dancing ni Angel at yung old-school dance number ni Aga sa unang parte ng pelikula kung saan sumayaw siya ng hip-hop. Hanga rin naman ako sa mga praktisado nilang mga kumpas kapag sumasayaw ang sila ng ballroom.
           Tama lang na rated PG-13 ang pelikula dahil aabangan mo ang pagpapakita ni Angel ng hubog ng katawan at may mga eksena rin na talagang malalim ang halikan upang mas maging makatotohanan ang eksena.
          Mayroong mga flashbacks ng mga tagpo sa Japan noong nagkaharap na ang dalawa upang ilabas sa isa’t isa ang kanilang mga hinanakit at paghihinayang. Dahil dito, naging mahusay ang paghubog ng kwento dahil hindi agaran ang pagbigay ng mga katotohanan sa likod ng mga problemang kinahaharap ng mga katauhan. Magiging klaro lang ang buong istorya kapag ipinagpatuloy mong susubaybayan ang mga tagpo na bubulagta sa iyo patungo sa pagtatapos.
              Naging mahusay din ang pag-ganap ni Jake Cuenca bilang Dylan Evelino sa kanyang karakter. Siya ay tulad din ng mga anak ng mga politiko na napipilitang pumasok sa magulong mundong ito. Hindi rin dapat kaligtaan ng mga manonood ang eksena kung saan sumayaw siya kasama ni Aga at Angel kung saan naipahiwatig ang selosan  sa pagitan ng dalawang lalake.
          “Kapag lumingon ka, akin ka.”Ito ang linyang kadalasang sinasabi ng dalawang bida. Tumutukoy ito sa tinatawag nilang tadhana na kahit anong bagyo mang dumating sa pagitan ng nagmamahalan, sila pa rin ang haharap sa altar sa huli.
        Sa mundong ating ginagalawan ngayon, maraming humahadlang sa ating mga mithiin sa buhay gaya na lang ng karukhaan, pagkasilaw sa kayamanan, at ibang mga pansariling demonyo na kumikitil sa ating mga sarili. Kapag mananaig ang kapatawaran, pag-asa, at higit sa lahat, pag-ibig, hindi malayong makakamtan ng ating mga puso ang katahimikan na ninanais nito habang patuloy nating inaabot ang ating mga pangarap. Ito ang mga kaalaman at asal na maaari nating makukuha sa pelikula.  

4.6.11

MGA KWENTONG ULAN

         Malamig ang gabi ngayon kasi umuulan at medyo malakas ang hangin. Kaya lang, papalapit na naman ang mga nakakapinsalang mga bagyo. Ngunit hayaan muna natin ang mga Chedeng, Frank, Ondoy, at kung anu-ano pang mga bagyo at ramdamin na lamang ang lamig at nakaka-relax na tipo ng panahon na gaya ngayon- umuulan-ulan lamang at hindi nakakalipad ng pader ang ihip ng hangin. Sakto lang. Kaya nga gustong-gusto ko nang matulog ngayon.
          Nasasayahan ako kapag umuulan at nariyan lang ako sa bahay at nakapalupot sa aking katawan ang malambot na kumot. O ‘di kaya titimpla ako ng mainit na tsokolate o kape na tila pinapaganda ang daloy ng dugo sa aking kaugatan. Minsan naman, bubuksan ko ang bintana at pagmamasdan ang tila maliliit na talong umaagos mula sa kisame ng bahay.
          Noong musmos pa lamang ako ay sabik akong maglaro sa ilalim ng ulan kasama ng aking mga kapatid, pinsan, at mga kaibigan. Pupunta kami sa poso sa likuran ng aming bahay kung saan masaya naming binubuhusan ang bawat isa ng naiipong tubig sa balde. Tapos, tatakbo kami patungo sa kalsada at maghahabulan. Hindi namin alintana ang mga taong nagsisitinginan sa amin habang sakay sila ng kanilang mga sasakyang nagsisidaan sa kalye. Tinatampisaw namin ang aming mga paa sa kumukolektang tubig sa lupa. Noon, akala ko, kapag umuulan ay humihikbi ang Diyos mula sa kalangitan. Ngayon, medyo naniniwala pa rin ako rito.
          Makailang ulit din akong  umuwi sa bahay mula sa paaralan na basang-basa ang uniporme. Minsan kasi, umaangkas ako sa traysikel at kapag bumuhos ang ulan nang wala ni anumang hudyat, wala ka nang magagawa  kung hindi magpakabasa  hanggang sa makarating sa bahay. Kapag ganito ang nangyayari, niraramdam ko na lang ang ulan na dumadampi sa aking mukha at iniisip ko na noong bata pa ako ay tila walang araw na umuulan na hindi ako lumabas ng bahay upang maligo.
          Ito ang tatlong kwentong ulan na hanggang sa ngayon ay hindi ko malilimutan.
  1. Sinamahan ko ang aking tiya na kumuha ng mga pakwan sa isang palayan na malayo sa amin. Habang binabaybay namin ang palayan, biglang umulan nang todo. Nilakad lang namin pauwi dahil walang dumadaang traysikel. Dala-dala namin ang mga mabibigat na pakwan sa aming mga kamay. Ang panangga lang namin sa ulan ay ang mga plastik sa aming mga ulo na dapat sana’y lalagyan namin ng mga pakwan.
  2.  Noong hayskul ako, lumabas kami ng aming mga kaibigan noong isang weekend para maghanap ng mga tindahang nagbebenta ng flute para sa aming music class. Nang nakabili na kami, napagdesisyunan naming pumunta sa bahay ng isa naming kaibigan para doon magpahinga at magpraktis ng instrumento. Nang nagbabantay na kami ng sasakyan, biglang umulan nang malakas. Mahirap pa namang makahanap ng jeep noong makulimlim na panahong iyon. Tumawid kami mula sa isang kalye papunta sa iba pang mga kalye na sinisiguro naming hindi kami ganoong mababasa. Tawa nga kami nang tawa habang naglalakad at nagtatakbo patungo sa mga sisilungan. Nakarating din kami sa wakas sa bahay ng aming kaibigan  at doon, hinubad namin ang mga mga sapatos pati na rin ang aming mga basang medyas. At doon, pinatugtog namin ang mga bago naming flute na pinapanalanging hindi madadagdagan ang lakas ng ulan.
At ang finale....

  1. Dahil isa akong butihing nursing student noon, maaga pa lang ay nakabihis na ako sa aking duty uniform. Umuulan nang todo noong panahong iyon. Tinext ko ang aking mga ka-dutymates kung merong pasok. Dahil walang reply ay tumuloy na lang ako. Laking gulat ko na wala akong nakitang mga ka-dutymates sa terminal kung saan sasakay kami ng jeep papunta sa isang district hospital. Kapag tumingin ako sa aking paligid, ang mga puno ay parang lilipad sa lakas ng hampas ng hangin sa mga sanga nito. Ang bubong ng terminal ay parang malilipad din. Kinabahan ako.  Doon ko nalaman sa isang drayber na wala raw pasok ang lahat ng paaralan dahil may bagyo.  Hindi na ako umuwi sa bahay dahil parang wala namang sasakyan pauwi kaya’t dumiretso na lamang ako sa bahay namin sa city. Nalaman ko roon na binaha raw ang aming tahanan dahil rumagasa sa aming barangay ang tubig mula sa ilog na nakapalibot dito. Wala namang baha doon sa bahay na tinutuluyan ko kaya’t nagpapasalamat talaga ako sa Panginoon dahil hindi na ako umuwi pa. Kung nakauwi ako, baka naabutan pa ako ng mabagsik na baha at tinangay na ako kung saan-saan.
          Ito ang mga kwentong ulan ko. At sabik akong malaman ang iba pang mga kwentong ulan na maaari kong harapin sa buhay. Humanda nang mabasa!

27.5.11

Si Maryo, ang Chibog Boy

          Kain nang kain si Maryo ng chicharon sa kanilang sala habang nanonood ng Glee. Habang napapakanta siya sa bawat  nakakaaliw na eksena, wala namang tigil ang pagsawsaw niya ng malutong na pagkaing baboy sa suka.
          Pagkatapos ng meryendang yaon, ay dumiretso si Maryo sa kanilang sari-sari store upang tumulong sa kanyang lola at lola sa pagbantay. Kung sa bagay, kahit anong gusto ni Maryo na nguyain ay makukuha niya nang libre. Kung sa tingin niya’y kailangan niyang sidlan ang busog na niyang tiyan, walang keme siyang sumusungkit ng mga nakasabit na mga chichirya. Hindi naman kumpleto ang lalamunin kung walang softdrinks kaya’t kukuha siya ng isa. Pakikiramdaman muna niya ang pinakamalamig sa lahat at iyon ay kanyang bubuksan at ipapadaloy sa uhaw na lalamunan.
          Panahon na ng hapunan. Abot tenga ang saya ni Maryo nang makitang fried chicken ang handa sa hapagkainan. Sabay-sabay silang kumain ng kanyang pamilya. Ayaw nang lolo niya ng balat ng manok dahil baka tumaas daw ang kanyang blood pressure. Ganoon din si lola. Hindi nila kinain ang balat ng manok. Subalit, paborito yaon ni Maryo. Gusto niyang namnamin ang lutong mula sa balat ng fried chicken. Hiningi ni Maryo ang mga ito mula sa kanyang lola at lolo at chinibog ang mga iyon. “Heaven ang feeling”, sambit ni Maryo.
           Kinaumagahan, nagising si Maryo na naninikip ang dibdib. Hindi siya makahinga nang maayos. Kung malalanghap niya lamang ang lahat ng hangin sa kanyang kwarto ay nagawa niya na siguro. Nais niyang sumigaw nang todo pero hindi niya magawa sapagkat hinahabol niya ang kanyang hininga. Sa isang iglap, nanilim ang paningin ni Maryo at narinig ng lola at lolo niya ang malakas na kalabog.
           Nagising si Maryo at una niyang nasilayan ang mga mata ng mga butihing magulang. Sabi ng duktor, mataas daw ang cholesterol levels sa kanyang katawan kaya’t nahihirapang dumaloy ang dugo sa mga ugat nito pati na ang mga ugat sa kanyang puso . Kapag walang dugong dumadaloy sa puso, hindi rin ito makatatanggap ng oxygen na siyang bumubuhay dito. Hindi rin makapag-pump ng dugo ang ating corazon na siyang naghahatid ng sustansiya sa iba pang parte ng katawan.
           Nang umuwi si Maryo sa kanilang bahay, agad siyang nagpahinga at pinaandar ang telebisyon. Nang nasa kalagitnaan na siya sa kapanonood ng glee, ay nagparinig naman ang kanyang tiyan. Mukhang nagugutom na naman siya. Mabilis siyang pumunta sa kusina upang maghanap ng makakain. Binuksan niya ang Tupperware at doon nakita niya ang plastic ng chicharon, mga chichirya, at iba pang mga pagkain na maaasim at matatamis.
           Ngunit bigla siyang napahinto. Sinirhan niya ang Tupperware at pumunta sa refrigerator. Hinablot niya ang isang mansanas at nagtimpla ng mainit na gatas. “Ayokong mamatay ng maaga”, napagtanto ni Maryo sa sarili. “Gusto ko pang maabot ang aking mga pangarap na may malakas na pangangatawan at sa huli, makatulong sa aking mga magulang”.
           ‘Yan si Maryo, ang chibog boy. Pero ngayon, ang kadalasan niya nang chinichibog ay mga prutas at gulay na inaalagaan ng kanyang lolo’t lola sa kanilang bakuran.



10.5.11

Sarap ng Fiesta

Masaya ang mga barangay fiesta. Bakit ka mo?

1. Nakakatawa manood ng mga pageants gaya ng mga bikini open kung saan ang mga contestants ay ang mga mismong mga contestants din na sumali sa karatig barangay. O ang mga gay contests kung saan ang mga nagsisilahok ay umaakyat sa ring ng basketbol court at bubuga ng apoy. Mayroon ding mga contestants na naghihiraman ng mga swim wear o casual wear kaya'y sasakit ang tiyan mo sa katatawa.

2. Minsan, may mga local bands din sa inyong lugar na naiimbitahang  mag-jamming sa inyong barangay. Siyempre, may entrance fee na swak sa bulsa ng mga residente. Sa una, swabe lang ang sawayan, rakrakan,  at inuman dahil may mga lamesa rin na pwedeng ma-reserve  na may kasama ng isang case ng beer at lechon manok.  Pero sa kalagitnaan ng tugtog ng banda sa ilalim ng maliwanag na buwan, bigla na lang may sisigaw ng “awaaaay!!!” at siyempre, magkakagulo na ang mga tao at pati ang vocalists ay matataranta at magsisi-alisan sa stage. Pagkatapos niyon ay darating ang mga tanod na dala-dala ang kanilang batuta at kung kumalma na ang lahat ay tuloy na naman ang jamming.

3. Uso rin ang binyag tuwing pista. ‘Di ko na nga mabilang kung ilang bata na ang naging ninong ako. Siyempre, pupunta ako ng simbahan dala-dala ang pera na ibabayad kapag naimbitahan kang maging ninong o ninang. Magkakaroon ng kaunting lecture sa kahalagahan ng pagiging godparents sa mga bata at kung paano mo gagampanan ang naturang responsibilidad sa mga sanggol hanggang sa paglaki nila. Hindi naman sinabi na kailangan magbigay ng regalo tuwing kaarawan o pasko. At siyempre, paborito kong eksena ang pagbuhos ng tubig sa mga ulo ng sanggol. Lahat sila ay iyak nang iyak pero ang iba naman ay cool lang. Siyempre ang huling parte at ang paborito ko rin ay ang piktyur-piktyur at ang pagpunta sa bahay ng bininyagan para mag-chibog!!!

4. Siyempre, hindi kumpleto ang selebrasyon ng pista kapag walang mga nakabubusog na mga handa. Mechado. Menudo. Estofado. Valenciana. Ispageti. Lumpia. Morcon. Softdrinks. Salad. Tuwing may pupuntahan akong pista, trip kong hindi muna kumain ng agahan o hapunan para pagpunta ko doon ay malalasap ko talaga ang sarap ng mga handa at hindi agad ako mabubusog kahit mga ikalawang beses na akong pabalik-balik sa hapagkainan. Syempre, masmasarap kapag kasama mo ang iyong barkada na pumunta sa mga kakilala upang chumibog. Siguraduhin lang na nakalalakad ka pa pauwi ng iyong bahay.


2.5.11

Nakakabagot na Summer

         Ang init init ngayon dito sa bahay. Ang pawis ko ay walang tigil na dumadaloy sa aking katawan, mula ulo hanggang paa. Parang nilalagay ako sa oven. Wala pa namang sunblock dito sa bahay. Umuusbong ang init mula sa bubong ng bahay na kahit ang hangin na ibinubuga ng electricfan ay tila apoy na pinapakukulo ang iyong katawan. Ang init talaga. Summer na nga. At gusto kong maligo sa beach.
          Nais kong pumunta sa beach at magtampisaw sa malamig na tubig nito. Kaya lang, parang walang time ang mga tao sa bahay na mag-swim. Sabi ko nga, okay na ang maligo sa malapit na pool dito sa amin. Kailan kaya ako magkakaroon ng swak na swak na summer getaway? Sa susunod na taon, ipinapangako ko sa aking sarili na mag-iipon para makasabak naman ako sa isang ‘di malilimutang bakasyon. Sa ngayon, dito lang muna ako sa bahay, kontento na lang sa paglasap ng cheap na halo-halo na ibinebenta sa kanto o di kaya’y palamigin ang sarili sa dirty ice cream na dumadaan sa aming bahay.
          Kaya  ano ang mga kanais-nais na gawin dito sa bahay ngayong tag-init? Siguro, magbabasa na lang ako ng lumang Alice and the Wonderland na libro na nakita ko sa aming kabinet. O di kaya’y manood ng mga drama sa telebisyon tuwing hapon. Nakakatamad ding matulog buong maghapon, hindi ba? O igugol ko na lang kaya ang sarili sa paggawa ng resume? Magtimpla ng sarili kong halo-halo at ice candy kaysa bumili? Maligo nang maligo? Naku, saying ang tubig! Gumawa ng photo album? Kase parang wala na akong pictures na nasa album, puro na lang sa facebook. Hahaha...Hay, boring!!!
            Mag i-imagine na lang nga ako-  nasa Boracay ako ngayon, nakahiga sa ilalim ng coconut tree, nag sa-sunbathing. Pagkatapos ay tatakbo ako papunta sa napakalinaw na tubig. Nasisilayan ko pa nga ang mga makukulay na isada sa aking paligid. Tapos, nag-island hopping ako at nag-snorkeling. Nasa paligid ko na ang mga nakakamanghang mga korales at iba't-ibang klase ng isda. Tapos, may papalapit na pawikan sa akin at sinampal ako. Over sa saket ang sampal ng pawikan. Nagising ako. Hinampas lang pala ako ng unan ng aking inay. Ngek...nariyan lang pala ako sa kwarto at basang-basa dahil sa pawis. Hay naku...may susunod pa namang summer kaya cool lang muna ako dito sa bahay.

26.4.11

Apoy Rush

        Akala ko gagawa ang lolo ko ng forest fire. Kakatakot talaga. Kasi naman, noong nagbabantay ako ng tindahan namin, pumunta siya sa aming bakuran at doon ay sinunog ang nakatambak na mga tuyong dahon at sanga kung saan malapit na nakatayo ang malaking punong mangga.
         Laking gulat ko at ng aking lola nang nakaaamoy kami ng usok at nasilayang lumiliwanag ang bakuran. Bigla akong lumabas at dali-daling kinuha ang bitbit na tubig ng aking lolo upang ibuhos sa naglalagablab na mga basura. Nakakakaba. Abot na ng apoy ang mga sanga ng punong Mangga at kung hindi agad agad maapula ito, tiyak masusunog din ang puno.
         Alam kong hindi na makakaya ng aking lolo na bumuhat ng tubig upang ibuhos sa kabundok na mga tuyong dahon at sanga na nasusunog. Isa pa, malayo-layo masyado ang lalakarin mula sa iniigiban ng tubig papunta sa mga tinambak na basura. Hindi ko na alintana ang pagod ng pagkuha ng tubig at ang pagtakbo patungo so likuran ng bakuran. Na feel ko talaga ‘yung tinatawag na adrenaline rush! Pagkatapos kong ibuhos ang isang balde, bibilisan ko uli ang pag-igib ng tubig sapagkat mabilis na namang  umalab at lumaki ang apoy sa mga parte ng basura na hindi pa nababasa.
         Salamat naman at tumulong ang kapitbahay namin- nagbukas-loob sa amin ang isang bata sa pagbuhos  samantala ang kanyang itay ay nag-igib. Pabalik-balik ako at ang bata sa nagdadabang basura hanggang sa ni isang maliliit na mga apoy ay natupok na namin.
         Naisip ko tuloy ang mga nangyayaring mga forest fires sa mundo. Sa sobrang init, nasusunog ang mga kagubatan na siyang naging dahilan ng pagkalbo ng mga bundok at pagkawala ng tirahan ng mga hayop. Napagtanto ko na kung hindi namin natupok ang apoy agad-agad at hinayaan na lang na masunog ang punong Mangga, tila marami pang mga puno ang magiging abo. Sa aming bakuran, may mga puno ng saging, bayabas, at iba pang mga kakahuyan na nakapalibot. Maaaring sa isang iglap, magiging isang malaking lupang walang buhay ang aming bakuran.
          Hindi ko masisisi ang lolo. Matanda na siya at kailangan ng pag-gabay. Sa kabilang banda, nakita ko na kapag apoy na ang maminsala, tila wala itong sinasanto. Kapag hindi mo ito matigil, patuloy itong maghahasik ng lagim- sa mga kabahayan, sa mga malalaking gusali, at higit sa lahat, sa kalikasan. Ang kailangan ay tulong-tulong. Sa ganitong paraan, matutupok natin ang kahit anong problema na dumaan sa ating buhay.

18.4.11

Ayokong Malasing Nang Todo

          Nakaranas akong malasing nang todo. Pero once lang. Naparami yata ako ng inom dahil nadala ako sa Dinagyang fever. Opo, Dinagyang Festival ang panahon na iyon at maraming mga events katulad ng mga banda ang nagsikalat sa buong Iloilo. Siyempre, sugod ako kung saan ang mga kaberks di ba? Hindi naman pwede kill joy. Minsan lang naman to. Pero, hindi ko talaga inasahang masusuka ako sa dami ng ininom. Hindi na talaga yon mauulit. Tinataga ko sa bato, hindi na talaga. Hindi ko alam kung ano ang pinanggagawa ko.
          Pero hindi ako adik sa alcohol. Nagtataka nga ako kung ba't mayroong mga tao na nalululong sa alak at tila nahihirapan silang makaligtas sa tila gayuma na nabibigay nito. Para sa iba, ang pag-inom ay isang paraan upang makalimutan nila ang kanilang mga problema kahit sa kaunting sandali lamang. Sa dahilang alam nilang nagiging mabisa itong lunas sa saglit na panahon, agad silang sasandal sa alak na parang bumibili lang ng over the counter na paracetamol para sa lagnat. Nagugustuhan niya ang epekto na nabibigay ng inumin kaya't paulit-ulit niya itong gagawin na inaakala'y ang problema niya'y biglang mawawala. Kinabukasan, nariyan pa rin ang mga utang sa banko, ang pagbabangayan niya sa girlpren, o ang kalat sa bakuran na dapat noong isang Linggo pa niligpit. Ang mga ito kasama ng matindi at nakakahilong hang-over.
          Sa mga taong adik sa beer o whiskey o gin o mix ng lahat, nabasa ko na isa sa mga paraan upang malunasan ang ganitong bisyo ay ang pagsali sa mga organisasyon ng mga tulad din nilang nalululong sa inumin gaya ng Alcoholic Anonymous. Pero gaya ng ibang mga problema, malaki man o maliit, kailangang sa sarili natin manggagaling ang kasabikang mabigyan ng solusyon ang mga masasakit na kinakaharap natin sa buhay.
          Hindi man ako isang alcoholic, maaaring heto lang ang mapapayo  o opinyon ko sa mga taong lulong sa tagayan:
  1.     Tanggapin sa sarili na ikaw ay lulong sa alcohol at kailangan mo ng tulong.
  2.      Humingi ng gabay o tulong sa mga taong malapit sa iyo. Kung hindi sa pamilya, maaaring may mga kaibigan kang masasandalan upang mailabas ang iyong mga kinikimkim sa dibdib. Pero ang masmakatutulong sa iyo ay ang sarili mo mismo. Hindi palagi na nariyan ang mga mahal natin sa buhay upang alalayan tayo.
  3.       Ano ang mga bagay-bagay o mga pangyayari na nag-uudyok sa iyong uminom? Kapag aware ka sa mga ito at sa iilan pang mga dahilan kung ba’t nahihikayat kang uminom, alam mo na kung ano ang gagawin sa susunod kapag nahaharap ka sa mga naturang pangyayari. Alam mo na ang panahong kung kalian sisigaw ang iyong isipan ng, “ Stop! Ooops! Lalayo muna ako at baka mapa-inom na naman ako”. O di kaya, “Ano naman ba itong iniisip ko? Manonood na lang kaya ako ng paborito kong tv show.”
  4.     Ibaling sa ibang mga bagay ang pag-iinom gaya ng  isports,  pagluluto, business o sa iba mo pang mga magaganda at masasayang mga hobbies.
  5.      Huwag mag focus sa problema kundi sa “solusyon” ng problema. Kapag sa problema ka nagtutuon, magrereklamo ka na lang nang magrereklamo  at ang ending ay mag-iinom ka na lamang upang makalimutan ang mga masasakit na tagpo sa iyong buhay. Kapag sa solusyon ka maglalagay ng pansin, makikita mong marami ka pa lang options para malutas ang iyong mga pinapasan sa  balikat.
  6.     Magpunta sa pinagkakatiwalaang duktor. Maaari siyang magbigay ng mga medesina na makatutulong sa iyo na sugpuin ang pagkahumaling sa inumin at maglalahad sa iyo ng iba pang mga mahahalagang tips para malutasan ang alkoholismo.     
         Ang pagkalulong sa inumin ay tulad din ng iba pang mga adiksyon. Ito ay hindi lang makasisira ng iyong pagkatao pero makapagtitinag din ito ng relasyon  mo sa iyong pamilya at sa ibang mga tao. Hindi pa huli ang lahat mga tol! Simula na ng pagbabago.


15.4.11

Bilog ang Buwan

          Bilog ang buwan sa kalangitan ngayon. At tila heto na naman ako, pinagmamasadan kung bilog nga ba ito o quarter moon lang. Ewan. Habang nagmamatiyag ako sa kanyang hugis at sinag, bumabalik naman sa aking isipan ang kasabihan na, "Shoot for the moon. If you fail, you'll be one of the stars". Nakaka-inspire, hindi ba?
          Sana, hindi naman ako kakalibutan sa pagmamasid sa buwan. Naisip ko lang, paano kung biglang lilitaw si Angel Locsin sa harapan ko at mag-iiba siya ng anyo bilang isang lobo. Pagkatapos, tatalon siya sa isang sanga ng mataas na puno at siya'y uungol at ang background ay ang buwang hindi perfect ang pagkabilog. Siguro'y kukuha agad ako ng camera at kukunan siya ng picture.
          Paano kung lalabas sa eksena si John Lloyd, tapos lilipad siya nang mataas na mataas hangga't sa maabot niya ang buwan. Kukunin niya ito at ibibigay kay Angel. Tapos, biglang aandar ang music ng Mutya. Kikiligin ba ako sa kakornihan o kikilabutan?
         Tama na nga. Gisingin niyo na lang ako mula sa aking mga imahinasyon at harapin ang reality. Sana, sa totoong buhay, ma shoot ko talaga ang moon na 'yan. Kung hindi man, di bale, star pa rin naman ako, hindi ba?

10.3.11

Ibong Maya

Ang malamig na ihip ng hangin sa tahimik na kahapunan ay tila humehele sa akin.
Ang mga pagod kong mga mata ay nais pumikit habang
ang naririnig ko lamang ay ang mga huni ng mga ibong Maya.
Mabuti pa sila, dumadapo kung saan-saan, walang permanenteng tahanan, ngunit masaya.

Nais kong tumalon, nais kong humalakhak, ngunit parang di ko magawa.
Wari'y may pumipigil sa akin na lakarin ang mga daanan, tahakin ang mga agos ng tubig, akyatin ang mga bulubundukin.
Nais kong maging katulad ng mga Maya, maliit at simple, ngunit malaya.

Minsan, sa pagpikit ng aking mga mata, doon ko nasisilayan ang kalayaan.
Nakararating ako sa mga paroroonan na di ko inakalang matagpuan.
Minsan, doon mo nasisilayan ang nais mong makamit.
At pagmulat ng aking mga mata, ako'y nanalangin at ngumiti, magiging tulad ako ng Maya.