Kagabi, natulog ako sa sala namin. Kasi naman, noong pumunta ako sa aking kwarto, bumulagta sa akin ang isang paniki na sinlaki ng maliit na bote ng mineral water. Nariyan siya sa aking kama, nagsusumikap lumipad nang mataas upang makalabas sa aking bintana.
http://www.fmnh.org/vanishing_treasures/V_FruitBat.htm
Ngunit hirap itong angatin ang sarili at mukhang may sugat pa ang kanyang pakpak na sa aking tanto, siyang dahilan kung ba’t nahulog ito sa aking bintanang kahoy na malalaki ang mga puwang. Ang paniki ay medyo mataba at kulay dark orange ang kanyang balat. Nakakatakot pa rin itong tingnan kahit mas natatakot ako sa paniking kulay itim. Ang makitang ito’y palundag-lundag sa aking kama ay sapat na upang tumindig ang aking balahibo.
Kaya’t pumunta ako agad-agad sa sala upang ibalita ang aking nakita sa mga kapamilya kong nanonood ng teleserye. Sumigaw ako, “May kulunatnit!!! May kulunatnit sa aking kwarto!!!”. Nanlaki ang mga mata ng aking mga pinsan, lolo’t lola, magulang, at ng nakatatandang kapatid ko na lalaki maliban lang sa aking nakababatang kapatid na babae. Tanong niya, “Ano ang kulunatnit???”. Siyempre nag-korus ang lahat na sagutin siya, “Ede paniki!!! Ayteh!!!” (Ang kulunatnit ay ang Hiligaynon o Ilonggong salita ng paniki.).
Tinawag ko ang kanilang atensyon dahil nais kong tulungan nila akong palabasin ang mamal na ito sa aking kwarto. Siyempre, gusto ko nang matulog nang mahimbing pero paano naman mangyayari iyon kung may umaaligid na hayop na mabalahibo at lumilipad-lipad?
Nang bumalik ako sa kwarto kasama ng aking mga pinsan, namataan ng pinsan kong babae na mabilis itong pumasok sa ilalim ng matres. Siguro natakot ito sa ilaw kaya’t naghanap ng matataguan na sindilim ng kuweba. Tiningnan namin ang ilalim ng higaan pero hindi namin mahanap ang maliksing nilalang na ito. Pinalabas na namin ang ibang gamit na nakatago sa baba ng higaan pero hindi ko pa rin masilayan kahit dulo ng pakpak nito. “Grabe, ang bilis naman magtago ang paniking iyon!!!”, sambit ng pinsan kong babae. “Tara, kunin natin lahat ng gamit upang ito’y mapalabas.”
Parang ganito ang itsura ng paniking nakita ko. Ang tawag dito ay Philippine Dwarf Fruit bat. Picture by: |
Pero sabi ko, “Hayaan na lang natin muna siyang magtago.” Sa isip ko, siguro’y makalalabas din siya ng kwarto sa kanyang sariling pagsisikap. Iniisip ko na aabangan niya ang pagkakataong patay ang ilaw at siya’y pupuslit palabas ng aking silid o di kaya'y nakalabas na siya nang hindi namin namamalayan.
Wala akong choice kung hindi matulog sa sala at magpakasasa sa lamok na pinipiyestahan ang aking paa kahit balot na ito ng kumot. Ayoko namang pag-gising ko, katabi ko na ang paniki at tinititigan ako ng kanyang nanlilisik na mga mata. Di bale, hahanap ako ng oras na mag-general cleaning sa aking silid at sana, hindi ako nagkamali sa aking hinala. Sana’y nakapuslit siya sa gabing madilim habang ako’y natutulog sa sala.
No comments:
Post a Comment