Showing posts with label Animals. Show all posts
Showing posts with label Animals. Show all posts

30.12.11

Gutom na Doggie

          Gabi na ako nakaalis sa isang get together kasama ng aking mga kabarkada sa kolehiyo. Pagkatapos naming pinagsaluhan ang manok, back ribs, at tsaka ice cream sa isang mahaba at masayang kwentuhan ay nagsiuwian din kami.
          Malapit nang mag alas onse at wala na ni isang traysikel ang pumapasada. Ayaw namang pakiusapan ng ibang drayber na ihatid ako sa aming bahay dahil iba raw ang kanilang rota. Kaya, heto ako, parang nanglilimos sa isang kanto sa madilim na gabi.
          At ang kasama ko lamang ay ang isang asong tila gutom na gutom. Mabilis niyang hinahalukay ang basurahang wari'y ilulublob niya na ang kanyang buong katawan dito. Buong araw yatang hindi nakakain ang askal na ito. Kawawa naman siya. Saan kaya ang amo niya? Tingnan niyo na lang ang susunod na mga larawan.


          Napaisip ako. Bilang tao, nakakakain ako ng tatlong beses sa isang araw ngunit ang askal na ito, tila nagsusumamong may matatagpuang pagkain na ipanlalaman sa tiyan. Ako nga na hindi madalas nalilipasan ng gutom ay nagrereklamo pa sa mundo kung ba't hindi ang "favorite" ko ang nasa hapag kainan, paano na lang ang ibang mga nilalang na kahit sa paglubog ng araw ay hanap-hanap pa rin ang ipangsisilid sa sikmura?
          Maswerte ako. Dapat ko yan ipagpasalamat. Kung maririnig ko man ang sarili kong nagrereklamo dahil hindi ko paborito ang ulam na nakahanda, dapat ko lang tandaan agad ang mga nagugutom tulad ng askal na ito na halos ilublob na ang sarili sa basurahan para lang maituwid ang gutom.

3.7.11

Polvoron, Si Levin, at Ang Ibong Binabalanse

            Isang araw, tumambay ako sa bahay namin sa city at doon ay chumika ako sa aking pinsan na gumagawa ng matamis at nakakaganang polvoron. Binebenta niya ito ng php 1.25 kada piraso. Marami namang bumibili dahil dinadaanan ang kanyang tindahan ng mga estudyante mula sa malapit na unibersidad. Natatandaan ko pa noong bata ako, bumibili ako ng polvoron at sinisipsip ito mula sa kasama nitong maliit na straw.
           Habang patuloy na naghuhulma ang aking pinsan ng mga bilog na polvoron at binabalot ito sa cellophane, nilalaro ko naman ang kanilang alagang asong si Levin na crossbreed ng shih tzu at Japanese spinx. Napaka-cute naman siyang pagmasadan sa kanyang t-shirt at gusgusing mukha. Parang laruang doggie lang siya na madalas kong matagpuan sa mga toy stores. Tahimik niyang pinagmamasdan ang mga dumaraan na mga tao at mga pumapasadang bisikleta sa eskinita na tila naghahanap ng kalaro.
Si Levin ay naaantok.
Si Levin ay pa-shy effect.
Si Levin ay seductive.
Si Levin ay dedma sa akin.
           Tapos, dahil hindi pa kami close ni Levin kasi parang kumakahol pa siya sa akin sa tuwing nasisilayan niya ako, pumunta na lang ako sa kwarto at pinaglaruan ang parang porselanang ibong naka-display sa shelf. Wala lang, nasasayahan lang akong ilagay ang “beak” nito sa akin daliri na kahit anong gawing galaw ng aking kamay ay hindi pa rin ito nalalaglag.
Ang buhay ay dapat balanse lang.
           Tulad ng ibon na ito, kailangan din natin ng balanse sa buhay- may panahon para sa pagtatrabaho (gaya ng pagtitinda ng polvoron )at may oras din para sa mga kasiyahan sa pang-araw-araw (gaya ng paglalaro kasama ng pet dog mo). Gaya nga ng sabi nila, nakakasama rin ang sobra. Kapag trabaho ka nang trabaho, maaaring magkakasakit ka dahil sa pagod at magtatampo rin ang mga kamag-anak mo dahil parang nawawalan ka na ng oras sa kanila. Kapag sobra naman ang kasiyahan, maaaring makakaligtaan mo rin ang mga importanteng mga responsibilidad sa iyong buhay.
           Sa araw na ito, natutunan ko ang kahalagahan ng “balance” para nang sa ganoon, sakto lang ang enerhiyang ginugugol natin sa lahat ng aspeto ng buhay— mapa-pag-ibig, mapa -pinansyal, o mapa-pamilya man ito.


22.6.11

May Paniki sa Aking Kwarto

          Kagabi, natulog ako sa sala namin. Kasi naman, noong pumunta ako sa aking kwarto, bumulagta sa akin ang isang paniki na sinlaki ng maliit na bote ng mineral water. Nariyan siya sa aking kama, nagsusumikap lumipad nang mataas upang makalabas sa aking bintana.
          Ngunit hirap itong angatin ang sarili at mukhang may sugat pa ang kanyang pakpak na sa aking tanto, siyang dahilan kung ba’t nahulog ito sa aking bintanang kahoy na malalaki ang mga puwang.  Ang paniki ay medyo mataba at kulay dark orange ang kanyang balat. Nakakatakot pa rin itong tingnan kahit mas natatakot ako sa paniking kulay itim. Ang makitang ito’y palundag-lundag sa aking kama ay sapat na upang tumindig ang aking balahibo.
           Kaya’t pumunta ako agad-agad sa sala upang ibalita ang aking nakita sa mga kapamilya kong nanonood ng teleserye. Sumigaw ako, “May kulunatnit!!!  May kulunatnit sa aking kwarto!!!”.  Nanlaki ang mga mata ng aking mga pinsan, lolo’t lola, magulang, at  ng nakatatandang kapatid ko na lalaki maliban lang sa aking nakababatang kapatid na babae. Tanong niya, “Ano ang kulunatnit???”. Siyempre nag-korus ang lahat na sagutin siya, “Ede paniki!!! Ayteh!!!” (Ang kulunatnit ay ang Hiligaynon o Ilonggong salita ng paniki.).
          Tinawag ko ang kanilang atensyon dahil nais kong tulungan nila akong palabasin ang mamal na ito sa aking kwarto. Siyempre, gusto ko nang matulog nang mahimbing pero paano naman mangyayari iyon kung may umaaligid na hayop na mabalahibo at lumilipad-lipad?
          Nang bumalik ako sa kwarto kasama ng aking mga pinsan, namataan ng pinsan kong babae na mabilis itong pumasok sa ilalim ng matres. Siguro natakot ito sa ilaw kaya’t naghanap ng matataguan na sindilim ng kuweba. Tiningnan namin ang ilalim ng higaan pero hindi namin mahanap ang maliksing nilalang na ito. Pinalabas na namin ang ibang gamit  na nakatago sa baba ng higaan pero hindi ko pa rin masilayan kahit dulo ng pakpak nito. “Grabe, ang bilis naman magtago ang paniking iyon!!!”, sambit ng pinsan kong babae. “Tara, kunin natin lahat ng gamit upang ito’y mapalabas.”
Parang ganito ang itsura ng paniking nakita ko. Ang tawag dito ay Philippine Dwarf Fruit bat.  Picture by:   
                                              http://www.fmnh.org/vanishing_treasures/V_FruitBat.htm

          Pero sabi ko, “Hayaan na lang natin muna siyang magtago.” Sa isip ko, siguro’y makalalabas din siya ng kwarto sa kanyang sariling pagsisikap. Iniisip ko na aabangan niya ang pagkakataong patay ang ilaw at siya’y pupuslit palabas ng aking silid o di kaya'y nakalabas na siya nang hindi namin namamalayan.
          Wala akong choice kung hindi matulog sa sala at magpakasasa sa lamok na pinipiyestahan ang aking paa kahit balot na ito ng kumot. Ayoko namang pag-gising ko, katabi ko na ang paniki at tinititigan ako ng kanyang nanlilisik na mga mata. Di bale, hahanap ako ng oras na mag-general cleaning sa aking silid at sana, hindi ako nagkamali sa aking hinala. Sana’y nakapuslit siya sa gabing madilim habang ako’y natutulog sa sala.