Malamig ang gabi ngayon kasi umuulan at medyo malakas ang hangin. Kaya lang, papalapit na naman ang mga nakakapinsalang mga bagyo. Ngunit hayaan muna natin ang mga Chedeng, Frank, Ondoy, at kung anu-ano pang mga bagyo at ramdamin na lamang ang lamig at nakaka-relax na tipo ng panahon na gaya ngayon- umuulan-ulan lamang at hindi nakakalipad ng pader ang ihip ng hangin. Sakto lang. Kaya nga gustong-gusto ko nang matulog ngayon.
Ito ang mga kwentong ulan ko. At sabik akong malaman ang iba pang mga kwentong ulan na maaari kong harapin sa buhay. Humanda nang mabasa!
Nasasayahan ako kapag umuulan at nariyan lang ako sa bahay at nakapalupot sa aking katawan ang malambot na kumot. O ‘di kaya titimpla ako ng mainit na tsokolate o kape na tila pinapaganda ang daloy ng dugo sa aking kaugatan. Minsan naman, bubuksan ko ang bintana at pagmamasdan ang tila maliliit na talong umaagos mula sa kisame ng bahay.
Noong musmos pa lamang ako ay sabik akong maglaro sa ilalim ng ulan kasama ng aking mga kapatid, pinsan, at mga kaibigan. Pupunta kami sa poso sa likuran ng aming bahay kung saan masaya naming binubuhusan ang bawat isa ng naiipong tubig sa balde. Tapos, tatakbo kami patungo sa kalsada at maghahabulan. Hindi namin alintana ang mga taong nagsisitinginan sa amin habang sakay sila ng kanilang mga sasakyang nagsisidaan sa kalye. Tinatampisaw namin ang aming mga paa sa kumukolektang tubig sa lupa. Noon, akala ko, kapag umuulan ay humihikbi ang Diyos mula sa kalangitan. Ngayon, medyo naniniwala pa rin ako rito.
Makailang ulit din akong umuwi sa bahay mula sa paaralan na basang-basa ang uniporme. Minsan kasi, umaangkas ako sa traysikel at kapag bumuhos ang ulan nang wala ni anumang hudyat, wala ka nang magagawa kung hindi magpakabasa hanggang sa makarating sa bahay. Kapag ganito ang nangyayari, niraramdam ko na lang ang ulan na dumadampi sa aking mukha at iniisip ko na noong bata pa ako ay tila walang araw na umuulan na hindi ako lumabas ng bahay upang maligo.
Ito ang tatlong kwentong ulan na hanggang sa ngayon ay hindi ko malilimutan.
- Sinamahan ko ang aking tiya na kumuha ng mga pakwan sa isang palayan na malayo sa amin. Habang binabaybay namin ang palayan, biglang umulan nang todo. Nilakad lang namin pauwi dahil walang dumadaang traysikel. Dala-dala namin ang mga mabibigat na pakwan sa aming mga kamay. Ang panangga lang namin sa ulan ay ang mga plastik sa aming mga ulo na dapat sana’y lalagyan namin ng mga pakwan.
- Noong hayskul ako, lumabas kami ng aming mga kaibigan noong isang weekend para maghanap ng mga tindahang nagbebenta ng flute para sa aming music class. Nang nakabili na kami, napagdesisyunan naming pumunta sa bahay ng isa naming kaibigan para doon magpahinga at magpraktis ng instrumento. Nang nagbabantay na kami ng sasakyan, biglang umulan nang malakas. Mahirap pa namang makahanap ng jeep noong makulimlim na panahong iyon. Tumawid kami mula sa isang kalye papunta sa iba pang mga kalye na sinisiguro naming hindi kami ganoong mababasa. Tawa nga kami nang tawa habang naglalakad at nagtatakbo patungo sa mga sisilungan. Nakarating din kami sa wakas sa bahay ng aming kaibigan at doon, hinubad namin ang mga mga sapatos pati na rin ang aming mga basang medyas. At doon, pinatugtog namin ang mga bago naming flute na pinapanalanging hindi madadagdagan ang lakas ng ulan.
At ang finale....
- Dahil isa akong butihing nursing student noon, maaga pa lang ay nakabihis na ako sa aking duty uniform. Umuulan nang todo noong panahong iyon. Tinext ko ang aking mga ka-dutymates kung merong pasok. Dahil walang reply ay tumuloy na lang ako. Laking gulat ko na wala akong nakitang mga ka-dutymates sa terminal kung saan sasakay kami ng jeep papunta sa isang district hospital. Kapag tumingin ako sa aking paligid, ang mga puno ay parang lilipad sa lakas ng hampas ng hangin sa mga sanga nito. Ang bubong ng terminal ay parang malilipad din. Kinabahan ako. Doon ko nalaman sa isang drayber na wala raw pasok ang lahat ng paaralan dahil may bagyo. Hindi na ako umuwi sa bahay dahil parang wala namang sasakyan pauwi kaya’t dumiretso na lamang ako sa bahay namin sa city. Nalaman ko roon na binaha raw ang aming tahanan dahil rumagasa sa aming barangay ang tubig mula sa ilog na nakapalibot dito. Wala namang baha doon sa bahay na tinutuluyan ko kaya’t nagpapasalamat talaga ako sa Panginoon dahil hindi na ako umuwi pa. Kung nakauwi ako, baka naabutan pa ako ng mabagsik na baha at tinangay na ako kung saan-saan.
No comments:
Post a Comment