Ang malamig na ihip ng hangin sa tahimik na kahapunan ay tila humehele sa akin.
Ang mga pagod kong mga mata ay nais pumikit habang
ang naririnig ko lamang ay ang mga huni ng mga ibong Maya.
Mabuti pa sila, dumadapo kung saan-saan, walang permanenteng tahanan, ngunit masaya.
Nais kong tumalon, nais kong humalakhak, ngunit parang di ko magawa.
Wari'y may pumipigil sa akin na lakarin ang mga daanan, tahakin ang mga agos ng tubig, akyatin ang mga bulubundukin.
Nais kong maging katulad ng mga Maya, maliit at simple, ngunit malaya.
Minsan, sa pagpikit ng aking mga mata, doon ko nasisilayan ang kalayaan.
Nakararating ako sa mga paroroonan na di ko inakalang matagpuan.
Minsan, doon mo nasisilayan ang nais mong makamit.
At pagmulat ng aking mga mata, ako'y nanalangin at ngumiti, magiging tulad ako ng Maya.
No comments:
Post a Comment