13.7.11

Iimbitahan ko si Lolo Mag-Videoke

         Isang araw, dinala namin ang aming lolo sa St. Paul’s Hospital Iloilo dahil nananakit daw ang kanyang likuran at ubo siya nang ubo. Doon nalaman na may tubig daw ang kanyang baga. Nariyan daw sa 700 ml ang nakuha mula sa nagtitiis niyang baga.
          Buti  na lang at malinis, malapad, at maaliwalas ang silid na aming tinuluyan sa ospital. Mukhang bagong pintura ang mga pader nito at kumpleto naman ito sa kagamitan. Feeling ko nag-hotel lang si lolo. Buti na lang may philhealth at senior citizen card siya kaya’t menos gastos.
          Nagbantay ako buong umaga pero nang dumating na ang aking pinsan, umalis din naman ako para makipagkita sa mga kaibigang sina Ciong at Jo sa Atrium Mall. Dumiretso na lang kami sa SM City para magkwentuhan at mag-bonding upang hindi naman masayang ang madalang naming pagkikita. Kasama rin nila si Lynn na ngayon ko lang mismo nakilala.
          Ang plano namin noong araw na iyon ay mag-videoke kaya’t pumunta kami sa Quantum. Kaya lang maraming mga estudyante at iba pang mga kustomer na pumupuno ng mga videoke rooms kaya’t habang wala pang bakante ay inabala na lang namin ang mga sarili sa mga laro gaya ng basketbol, karera ng sasakyan, hockey, at baril-barilan kung saan parang titirahin mo yung maliliit na aliens na lumilipad. Hindi namin namalayan, marami na palang nakatapos magkaraoke at naunahan na kami ng ibang mga kustomer.
   
   Dumiretso na lang kami sa Bibo pero puno rin. Nagulat lang kami kung ba’t ang daming tao ang nakalibot sa entabladong nakatayo malapit saToy Kingdom . Dumating pala ang mahusay na mang-aawit na si Sarah Geronimo. Simple lang ang kanyang kagandahan at hindi nakakasawa. Parang hindi na siya kumanta at nag-plug lang ng konsyerto niya na gaganapin sa Central Philippine University sa susunod na araw.
           Bago namin makalimutan ang plano namin sa araw na iyon, bumalik kami sa Bibo at nagbabasakaling may bakanteng silid para sa karaoke. Salamat sa Diyos at mayroon nga! Sabik talaga kaming kumanta at the top of our lungs. Kahit hindi abot ang mga nota ay hataw pa rin kami sa pagbirit. Ang finale song namin ay ang “Survivor” ng Destiny’s Child. Ang saya saya lang!

       
         Anong aral ang natutunan ko sa araw na ito? Kung may gusto kang isang bagay na nais mong makamtan, babalik-balikan mo ito bitbit ang pag-asa na may ilalaan para sa iyo. Gaya ng kwento ko, plano talaga namin ang mag-sing-along. Hindi namin natupad ito kapag nawalan kami ng pag-asa na makakanta dahil puno lagi ang mga silid para sa videoke. Kung huminto kami sa paghintay o sa paghanap ng maaaring pagkantahan, eh di siguro nag-malling na lang kami at tumingin-tingin lang sa mga mamahaling mga bagay sa mga pamilihan, hindi ba? Inaasahan din na mahaba ang iyong pasensya habang unti-unti mong inaabot ang iyong mga ninanais. Sa pagbalik ko sa ospital, kinakailangan ko talaga ang asal na ito kasi magiging abala ako sa pagbili ng mga gamot at pagbayad ng mga bayarin. Kapag lumabas na si lolo sa ospital, iimbitahan ko talaga siyang mag-videoke.
          Kaya’t huwag mawalan ng pag-asa at habaan pa ang pasensya. Kung gugustuhin, may mararating.

No comments:

Post a Comment