Ang mga
kabataan, lalung-lalo na yung mga teeneydyer, ay dumadaan sa punto ng buhay
kung saan mas nangangailangan sila ng pag-unawa, pag-gabay, at suporta mula sa
kanilang mga magulang at sa iba pang mas nakatatanda. Ito na siguro ang
kritikal na pinagdadaanan ni George Zinavoy (dinadala ni Freddie Highmore) ,
ang pangunahing tauhan sa pelikulang “The Art of Getting By”.
Dahil sa mga
problemang kinakaharap ni George, gaya ng kawalan ng atensyon ng ina nito sa
kanya at ang pagmamaliit sa kanya ng kanyang ama-amahan, naging mabigat at
hindi mabuti ang epekto nito sa kanyang pagkatao. Ito’y naging hadlang sa
kanyang pag-aaral at pakikisalamuha sa iba.
Para kay
George, lahat naman daw ng tao ay nabubuhay ng mag-isa at namamatay din ng
mag-isa. Tayo raw ay nabubuhay sa isa lamang ilusyon. Ba’t pa raw siya magtitiyaga at
magpapakahirap kung alam niyang lahat tayo ay pareho lang naman ang
kahihinatnan? Ito ay ipinahayag ng kanyang karakter sa pagbukas ng naturang
pelikula. Dahil sa paniniwala niyang ito, makailang ulit na siyang pinapunta sa
opisina ng principal. Ang masaklap pa, sisibakin siya kapag hindi niya naipasa
ang lahat ng kanyang mga requirements na lubhang lampas na sa deadline.
Mapag-isa at
malalim mag-isip si George. Mabuti na lang at nakahanap siya ng kaibigan sa
katauhan ni Sally Howe (dinadala ni Emma Roberts). Umusbong ito sa komplikadong
pagmamahalan na dala rin mismo ng kabataan.
May mga isyung personal din si Sally na maaaring nagmula sa paghihiwalay niya sa
kanyang ama noong musmos pa lamang siya. Siguro’y kanyang pinupuno ang kulang
sa kanyang katauhan sa piling ni George.
Sa
sitwasyong kinahaharap ng mga teeneydyer na mga ito, napagtanto ko na
kinakailangan ng mga kabataang ito na maimulat sa mga katotohanan sa buhay at
tulungan sila kung paano harapin ito. May mga problema o “stressor” na lubos na
mabigat sa kanilang kakayahan, datapwat, importante na sila’y pakinggan,
pagtuunan ng pansin, at tulungan sila sa mga bagay-bagay na gumugulo sa
kanilang isipan. Dapat din silang tulungan pagyamanin ang kanilang mga talento
at huwag maliitin ang kanilang mga mithiin sa buhay, maliit man o malaki.
Kaparis ni
George, ang pagpansin ng kanyang ina sa kakayahan niyang magpinta at ang
paglaan nito ng oras sa anak kahit sa simpleng kwentuhan man lang ay siyang
naging motibasyon ng bida upang tapusin ang kanyang mga requirements sa
paaralan upang siya’y makatapos ng sekondarya.
Simple lang
ang sinematograpiya ng pelikula dahil wala naman itong halong kaartehan.
Gayunpaman, makawiwili itong tingnan at nakukuha ng kamera ang mensaheng
sinisikap na ipahayag ng kwento. Ang bawat karakter ay may sariling mga isyu.
Hindi lamang idiniin lahat ang enerhiya sa bida sapagkat maaantig ka rin sa mga
istorya ng iba pang mga tauhan. Natural ang kanilang pag-arte. Ang daloy ng
kwento ay payak ngunit tagos sa puso sapagkat naglalarawan ito sa realidad ng
buhay lalung-lalo na sa mga kabataan.
Ang “The Art
of Getting By” ay isa na namang nakaka-inspire na pelikulang nag-uudyok sa atin
na huwag magpadaig sa mga problema, sa halip, patuloy lang nating mahalin ang ating
mga kapwa habang inaabot ang ating mga pangarap.
No comments:
Post a Comment