10.5.11

Sarap ng Fiesta

Masaya ang mga barangay fiesta. Bakit ka mo?

1. Nakakatawa manood ng mga pageants gaya ng mga bikini open kung saan ang mga contestants ay ang mga mismong mga contestants din na sumali sa karatig barangay. O ang mga gay contests kung saan ang mga nagsisilahok ay umaakyat sa ring ng basketbol court at bubuga ng apoy. Mayroon ding mga contestants na naghihiraman ng mga swim wear o casual wear kaya'y sasakit ang tiyan mo sa katatawa.

2. Minsan, may mga local bands din sa inyong lugar na naiimbitahang  mag-jamming sa inyong barangay. Siyempre, may entrance fee na swak sa bulsa ng mga residente. Sa una, swabe lang ang sawayan, rakrakan,  at inuman dahil may mga lamesa rin na pwedeng ma-reserve  na may kasama ng isang case ng beer at lechon manok.  Pero sa kalagitnaan ng tugtog ng banda sa ilalim ng maliwanag na buwan, bigla na lang may sisigaw ng “awaaaay!!!” at siyempre, magkakagulo na ang mga tao at pati ang vocalists ay matataranta at magsisi-alisan sa stage. Pagkatapos niyon ay darating ang mga tanod na dala-dala ang kanilang batuta at kung kumalma na ang lahat ay tuloy na naman ang jamming.

3. Uso rin ang binyag tuwing pista. ‘Di ko na nga mabilang kung ilang bata na ang naging ninong ako. Siyempre, pupunta ako ng simbahan dala-dala ang pera na ibabayad kapag naimbitahan kang maging ninong o ninang. Magkakaroon ng kaunting lecture sa kahalagahan ng pagiging godparents sa mga bata at kung paano mo gagampanan ang naturang responsibilidad sa mga sanggol hanggang sa paglaki nila. Hindi naman sinabi na kailangan magbigay ng regalo tuwing kaarawan o pasko. At siyempre, paborito kong eksena ang pagbuhos ng tubig sa mga ulo ng sanggol. Lahat sila ay iyak nang iyak pero ang iba naman ay cool lang. Siyempre ang huling parte at ang paborito ko rin ay ang piktyur-piktyur at ang pagpunta sa bahay ng bininyagan para mag-chibog!!!

4. Siyempre, hindi kumpleto ang selebrasyon ng pista kapag walang mga nakabubusog na mga handa. Mechado. Menudo. Estofado. Valenciana. Ispageti. Lumpia. Morcon. Softdrinks. Salad. Tuwing may pupuntahan akong pista, trip kong hindi muna kumain ng agahan o hapunan para pagpunta ko doon ay malalasap ko talaga ang sarap ng mga handa at hindi agad ako mabubusog kahit mga ikalawang beses na akong pabalik-balik sa hapagkainan. Syempre, masmasarap kapag kasama mo ang iyong barkada na pumunta sa mga kakilala upang chumibog. Siguraduhin lang na nakalalakad ka pa pauwi ng iyong bahay.


No comments:

Post a Comment