10.12.11

By The River Piedra I Sat Down and Wept by Paulo Coelho


          Kung nais mo ng libro na makapagdadala sa iyo sa lugar kung saan ang pananampalataya at ang mga personal na mga pangarap ay tila umuugnay, ang nobelang “By The River Piedra I Sat Down and Wept” ni Paulo Coelho ang masasabi kong swak na maaaring basahin.
          Lahat tayo ay may mga indibidwal na mga suliranin at minsan, ang kalaban natin ay hindi ang ibang tao kundi mismo ang mga sarili natin. Wala tayong lakas na loob na abutin ang ating mga pangarap dahil natatakot tayo sa maaaring mangyari sa atin na wala rin namang kasiguraduhan. At minsan, ang pananampalataya na lang natin sa Maykapal ang siyang tangi nating lakas upang ipagpatuloy ang tila ‘di maabot-abot na mga pangarap. Ito na siguro ang leksyon na nakuha ko sa napakatalinghagang librong ito - - na bawat tao ay ipinagkalooban ng Maykapal ng pangarap at ang pag-abot nito ay hindi ganoon kadali. Maaaring maraming balakid at hirap ang kanyang mararanasan bago makamit ito.
          Makabuluhan ang librong ito lalung-lalo na sa panahon ngayon kung saan tila ang pananampalataya na lamang natin ang ating pinanghahawakan kapag may unos na daraan. Naging angkop ang panahon noong binasa ko ang nobelang ito dahil pista yaon ng Our Lady of Concepcion. Sa libro, ang magsing-irog ay gumunita rin sa kapistahang ito kung saan sila ay lumahok sa isang kakaiba at katangi-tanging espiritwal na karanasan.
          Siguro, marami tayo ang tulad ni Pilar, ang pangunahing tauhan na babae na siya ring nagsasalaysay sa libro. Kagaya niya, may mga inaasam tayo sa buhay na matagal na nating ipinapanalangin ngunit hindi natin makuha-kuha dahil nakatali pa rin tayo sa kung ano ang sa tingin natin na rasonable, praktikal, at hindi katakot-takot. Nang matagpuan niya ang kanyang kababata sa Madrid matapos ang labing-isang taon, naibalik muli sa kanya ang kanyang paniniwala sa Itaas. Natutunan niya ang muling magmahal at mangarap. Nais niyang samahan ang binata sa mga kabanalang ginagawa nang huli gaya ng pagpapagaling ng may sakit.
          O maaari ring pareho tayo sa lalaking sinisinta ni Pilar. Naging kakampi at kaakibay niya ang kanyang pananampalataya sa paghanap ng totoong pinapangarap ng kanyang puso – at iyon ay ang makapiling habambuhay ang dalagang matagal nang tinitibok ng kanyang puso, si Pilar. Ibinalik ng lalaki sa Maykapal ang regalong ipinagkaloob sa kanya, at alam niyang naintindihan ito ng Birheng Maria.
          Sa kwentong ito ni Coelho, naimulat ako sa mundo ng dalawang nagmamahalan na sinikap maabot ang kanilang daing sa langit kahit pa ang pag-aasam nito ang siya ring makapagdudulot ng pagbabago sa kanilang pag-iibigan.
          Simple at direkta ang mga salitang ginamit ni Coelho ngunit sa likod ng kanyang payak na pagsasalaysay ay nakatago ang mga malalalim na mga kahulugan na magpapahinto sa iyo upang makapag-isip-isip. May mga kaganapan na hindi niya agarang ipinresenta upang iwanan ang mambabasa ng kaunting pagninilay-nilay sa maaari pang mangyari. Gayunpaman, tila naisama ka rin ng manunulat sa mga paglalakbay na ginawa ng magkasintahan sa istorya – mula sa mga siyudad sa Espanya papunta sa bundok na tumutungo sa Pranse.
          Sa huli, aking napagtanto na nararapat lamang na isuko ko ang aking mga daing, problema, at mga pangarap sa Diyos at alam ko hindi niya ako pababayaan. Siyempre, patuloy pa rin nating abutin ang ating mga mithiin basta’t alam nating marangal ito at nakapagbibigay ligaya sa atin at sa ibang tao.

No comments:

Post a Comment