26.11.11

Ang Paglalakbay sa Sand Bar Island Beach Resort, Concepcion Iloilo

Mapayapang paligid. Malinaw na baybayin. Preskong hangin. Luntiang bukirin. Puting buhangin. Kahit sa isang araw lamang ay naramdaman ko ang lahat ng mga ito. Totoo nga ang sabi ng kaibigan kong nag imbita sa aking bumiyahe sa lugar na ito- malaparaiso at nakabibighani. Ngayon, malakas na ang aking paniniwala na ang mga natural na likas na yaman, kapag hindi ginagambala at inaabuso, ay tila diyamante na hindi matutumbasan ng kahit anumang pag usbong ng teknolohiya and industriyalismo.
          “Pupunta tayo ng Sand Bar. Sumama ka na!” ani ng kaibigan kong sabik na tumuloy ako kasama ng dalawa niya pang mga ka-berks para raw menos gastos. Napaisip ako. Anu ba naman ang isang araw na masilayan ang sinasabi niyang marikit na resort na sa Concepcion, Iloilo lang pala matatagpuan? Dahil napa-oo niya ang dalawa pa naming mga malalapit na kaibigan mula kolehiyo ay hindi rin ako nakatanggi.

Tanawing Napapa-wow Ako Habang Nasa Bus

Sa Andoks Restaurant, Tagbak Terminal Branch kami naghintayan. Alas nuwebe ng umaga. Ako yata ang naunang dumating. Habang inaabangan ko ang iba ko pang mga kasama ay bumili na lang muna ako ng Dokito Frito fried chicken. Sabi kasi ng aming kumbaga “organizer” ay magdadala na agad kami ng aming panghapunan upang pagdating sa destinasyon ay deretso chibog na lang kami at ‘di na magluluto pa.
Nang kumpleto na kaming walo, ay sabik na kaming umakyat sa bus na aming sasakyan. Gustong-gusto ko talaga ang sumakay sa bus kasi parang feeling ko nakalipad ako sa hangin kahit ilang metro lang mula sa lupa. Nakakaaliw lang tingnan ang mga dyip at kotse na wari’y nagiging maliit sa aking paningin. Sa pamasaheng Php110, mahigit tatlong oras ang biyahe papuntang Concepcion. Paminsan-minsan, humihinto ito sa kalagitnaan ng rota para magpasakay ng iba pang mga pasahero. Sa bawat pagtigil nito ang siya namang pagdatingan ng mga nagbebenta ng maaring nguyain. Nakagugutom din ang umupo lang ng ilang oras kaya’t hindi na ako nag alintana pang bumili ng mga paborito kong pampalipas gutom. Ninamnam ko ang itlog ng pugo, bibingka, at ang paborito ko sa lahat, ang Esguerra’s Buko Pie na tiyak mapapa-wow ka sa laman nitong siksik sa buko.

Ang Esguerra's buko pie ay sinlaki lang ng aking kamao pero siksik sa buko.
Habang nasa bus ay ‘di ko maiwasan mamangha sa nakaka-relax na kapaligirang tatambad sa iyong mga mata. Bago kami makarating sa Concepcion ay dinaanan pa namin ang mga munisipalidad ng Zarraga, Barotac Nuevo, Barotac Viejo, Ajuy, Balasan, at iba pa na nalimutan ko na ang pangalan ngunit nanatili pa rin sa aking isipan ang mga malalapad na palayan, mga bukiring busog ng mga puno, at mga burol na parang pinag-shootingan ng mga Teletubbies. Masaya ako dahil nabuksan ang aking mga mata’t isipan sa dako nito ng Iloilo na talagang maipagmamalaki. Hindi pa man ako nakararating sa Sand Bar Beach Resort ay busog na busog na ako sa mga nakahuhulog panga na mga tanawin.

Ang Paghanap ng Ipanlalaman sa Sikmura

                Sa wakas at naiapak din namin ang aming mga nangingilong mga paa sa Munisipalidad ng Concepcion. Bumaba kami sa bandang pagawaan ng mga maririkit na mga muwebles at mula rito ay natanaw namin ang mga binatang naglalaro ng basketbol sa kanilang covered gym at mga taong namamasyal sa plaza. Sa gitna ng tagiktik na init ay dumiretso muna kami sa Tourism Office na siyang nakatayo sa likuran mismo ng gym. Pagpasok pa lang namin ay laking ginhawa ko na sa lamig na dumampi sa aking balat. Hay salamat, airconditioned! Sa loob ng opisina ay malugod naman kaming binati ng mga staff. Nagbayad kami ng 20 php bawat isa para sa registration. May mga leaflets at mga newsletters ang nakahilera sa kanilang shelf at meron din mga retrato ng kanilang mga tourism spots na naka-display sa isang mesa. Nariyan ang Agho Island, ang Pan de Azucar Island, at ang Bolubadiangan Island kung saan matatagpuan ang Sand Bar resort.

Mga leaflets na naka-display at ipinamimigay sa Tourism Office ng Concepcion, Iloilo para sa mga bisita.
                Iniwan muna namin ang aming mga kagamitan sa opisina pero si Glaiza parang ayaw mahiwalay sa tatlong kilong bigas na bitbit bitbit niya hanggang sa palengke kung saan makikita rin ang pier. Doon ay namili kami ng isda at baboy para sa aming hapunan gayundin ng tatlong apat na litrong mineral water. Narinig namin na wala raw doon pangkunan ng maiinom na tubig. Tinahak din namin ang mga kanto para makahanap ng softdrinks at beer. Parang nasa Amazing Race lang kami noong naghahanap kami ng aming mga mapagsasaluhan sa isla. Bumili rin kami ng mga yelo na talaga namang malalaki at mahahaba.
                Bumalik kami sa tourism office upang kunin na ang aming mga gamit at mula roon ay hinatid kami ng isang mabait na staff papuntang pier kung saan naghihintay na ang bangkang maghahatid sa amin sa aming destinasyon.

Ang Maginhawang Biyahe sa Bangka

                Tinatayang tatlumpung minuto ang biyahe sa pump boat mula sa pier papunta ng Sand Bar Resort. Nang nakarating na kami sa kalagitnaan ng malawak na karagatan ay napanganga ako sa aking mga natanaw.Nakakalat ang mga maliliit at malalaking mga isla. Nakakaakit din ang napakaasul at napakalinis na tubig. Habang umaarangkada kami, nilulublob ko ang aking kamay sa tubig upang maramdaman ko ang malamig nitong hampas. Sabik na talaga akong maligo.
    Mula sa malayo ay nakatambad na sa amin ang mahabang linya ng puting buhangin. Iyon na pala ang Sand Bar Resort. Tila kakaiba ito sa ibang mga beach na kadalasan kong pinupuntahan sapagkat ang buhangin ay humihilera sa kalagitnaan ng malawak na karagatan. Tila ba ang paghubog nito ay naka-depende sa kung saan papunta ang direksyon ng hangin. Nang kami’y dumaong ay mabilis kaming bumaba  sa bangka habang tinutulungan kami nina manong sa aming mga kagamitan. Nagpakuha agad kami kay manong ng aming retrato sapagkat tila malaparaiso ang buong paligid.

Sa wakas, pagkatapos ng mahigit tatlumpung minutong biyahe sa bangka ay nakarating din kami ng Sand Bar Island  BeachResort.
Picture picture!!!!
Welcome!!!
    Mula sa daungan ay masisilayan agad ang cottage kung saan nakapaskil ang pangalan ng resort.  Ang Sand Bar Resort ay makikita sa dulo ng Bolubadiangan Island kung saan may mga iilang mga residente ang namamalagi  at namumuhay ng payak. Isa lamang maliit na resort ang Sand Bar kung saan nakapuwesto ang mga matitibay na mga nipa huts na maaaring tulugan sa presyong Php 800 para sa overnight stay. Malalapad ang mga ito at may mga kama rin. Marami ring mga mahahabang mga kawayang upuan na nakaharap sa nakaka-relax na baybayin. May mga puno’t halaman din kung saan maaaring mag-chill sa mga duyang sinisilungan ng mga ito.

Matitibay na mga nipa huts na kung saan maaari mag overnight stay.
Magpakasarap sa view.
Mga cottages kung saan maaaring mag-chill
                Masarap ang lumublob sa malinaw na tubig habang nilalanghap mo ang preskong hangin. Parang iisa lang kayo ng kalikasan sa panahong iyon. Hinintay namin ang nakabibighaning paglubog ng araw at ang ganda naman talagang pagmasdan ito. Nang dumilim na ay dumiretso na kami sa aming kubo upang ihanda namin ang aming hapunan. Pagod lahat sa mga larong hinanda ng kaibigan kong nag-organisa nitong biyahe. Hindi kami nagtagal sa paglangoy sa beach sapagkat mababa pa ang tubig noong takipsilim na iyon at medyo mabato pa ang ilang parte ng baybayin. May natagpuan pa nga kaming starfish eh. Tila naubos na ang baterya ng aming mga kamera sa kaka-picture.

The Best Na Umaga

          Umaga na at ang sikat ng araw ay sapat lang sa pangangailangan ng balat na makatanggap ng Vitamin D. Excited na ang lahat lumangoy. Masarap ang yakap ng simoy ng hanging dumadampi sa katawan. Mataas na ang tubig at tila mga pinong buhangin na lamang ang iyong maaapakan kapag ika’y nakababad na. Kahit na gabi na kami natulog dahil sa inuman at kwentuhan ay ganado kaming sulitin ang huling araw namin sa napakapayapang isla. Pinagmasdan ko ang buong pulo at naramdaman ko kung gaano kaswerte ang ating bayan dahil ipinagkalooban tayo ng Diyos ng mga mayayamang mga baybayin. Nararapat lang na panatilihin ang kalinisan at karikitan ng mga ito.
Talon!!!
Ang linaw nga naman ng tubig.
Parang gusto ko nang tumalon sa tubig!!!
Inenjoy lang namin ang paglangoy kasama ang bawat isa. Hindi na nga namin namalayan na ang bolang plastic na amin pinaglalaruan ay naanod na pala ng alon at hindi na namin ito mahanap. Parang kami ang may ari ng buong isla sapagkat walo lang kaming lumalangoy sa beach. Dahil klaro ang tubig,  paminsan-minsan ay may nakikita  kaming mga maliliit na isda na umaaligid-aligid sa amin.

Ang mga Napuna ko sa ‘Di Malilimutang Trip na Ito

Hindi ko talaga malilimutan ang paglalakbay na ito na pinag-iisa ka sa kalikasan. Mas mabuti nang ganito. Walang matataas na mga gusali. Walang mga bars at restawrant.  Ang makatungtong lang sa lugar na ito ay nakapagbibigay na sa akin ng kapayapaang ‘di matatawaran. Hindi ko malilimutan ‘yung mga duyan, mga nakababaliw na mga photoshoot, mga kwentuhan, ang pagluto ng baboy at isda, at ang paglaro ng 123 stop. Napag-isip ako kung paano namin tinipid ang tubig na maaari naming ipanligo sapagkat nabibili ito ng Php20 per gallon.
Sinundo na kami ng bangkang maghahatid sa amin sa pier ng Concepcion. Natanaw ko ulit ang lawak at ganda ng buong karagatan. Masarap pagmasdan ang buong paligid na walang maruruming usok at mga nagbibilisang mga sasakyan. Ang mga puno ay buhay na buhay at ang tubig ay tila nangungusap na huwag itong dumihan.
Habang nagpapaalam kami sa lugar, nilasap ko ang huling tatlumpung minuto namin sa umaandar na bangka. Alam kong minsan ko lang ito nasasaksihan kung naroon na kami sa kanya-kanya naming mga tirahan.

Paalam Sand Bar Island Beach Resort. Sa uulitin!!!

Contact: Concepcion Municipal Tourism Office
Office of The Mun Mayor- (033) 392-0309
Jim - 0999-771-0086
Ricky- 0928-983-5476

No comments:

Post a Comment