22.6.11

May Paniki sa Aking Kwarto

          Kagabi, natulog ako sa sala namin. Kasi naman, noong pumunta ako sa aking kwarto, bumulagta sa akin ang isang paniki na sinlaki ng maliit na bote ng mineral water. Nariyan siya sa aking kama, nagsusumikap lumipad nang mataas upang makalabas sa aking bintana.
          Ngunit hirap itong angatin ang sarili at mukhang may sugat pa ang kanyang pakpak na sa aking tanto, siyang dahilan kung ba’t nahulog ito sa aking bintanang kahoy na malalaki ang mga puwang.  Ang paniki ay medyo mataba at kulay dark orange ang kanyang balat. Nakakatakot pa rin itong tingnan kahit mas natatakot ako sa paniking kulay itim. Ang makitang ito’y palundag-lundag sa aking kama ay sapat na upang tumindig ang aking balahibo.
           Kaya’t pumunta ako agad-agad sa sala upang ibalita ang aking nakita sa mga kapamilya kong nanonood ng teleserye. Sumigaw ako, “May kulunatnit!!!  May kulunatnit sa aking kwarto!!!”.  Nanlaki ang mga mata ng aking mga pinsan, lolo’t lola, magulang, at  ng nakatatandang kapatid ko na lalaki maliban lang sa aking nakababatang kapatid na babae. Tanong niya, “Ano ang kulunatnit???”. Siyempre nag-korus ang lahat na sagutin siya, “Ede paniki!!! Ayteh!!!” (Ang kulunatnit ay ang Hiligaynon o Ilonggong salita ng paniki.).
          Tinawag ko ang kanilang atensyon dahil nais kong tulungan nila akong palabasin ang mamal na ito sa aking kwarto. Siyempre, gusto ko nang matulog nang mahimbing pero paano naman mangyayari iyon kung may umaaligid na hayop na mabalahibo at lumilipad-lipad?
          Nang bumalik ako sa kwarto kasama ng aking mga pinsan, namataan ng pinsan kong babae na mabilis itong pumasok sa ilalim ng matres. Siguro natakot ito sa ilaw kaya’t naghanap ng matataguan na sindilim ng kuweba. Tiningnan namin ang ilalim ng higaan pero hindi namin mahanap ang maliksing nilalang na ito. Pinalabas na namin ang ibang gamit  na nakatago sa baba ng higaan pero hindi ko pa rin masilayan kahit dulo ng pakpak nito. “Grabe, ang bilis naman magtago ang paniking iyon!!!”, sambit ng pinsan kong babae. “Tara, kunin natin lahat ng gamit upang ito’y mapalabas.”
Parang ganito ang itsura ng paniking nakita ko. Ang tawag dito ay Philippine Dwarf Fruit bat.  Picture by:   
                                              http://www.fmnh.org/vanishing_treasures/V_FruitBat.htm

          Pero sabi ko, “Hayaan na lang natin muna siyang magtago.” Sa isip ko, siguro’y makalalabas din siya ng kwarto sa kanyang sariling pagsisikap. Iniisip ko na aabangan niya ang pagkakataong patay ang ilaw at siya’y pupuslit palabas ng aking silid o di kaya'y nakalabas na siya nang hindi namin namamalayan.
          Wala akong choice kung hindi matulog sa sala at magpakasasa sa lamok na pinipiyestahan ang aking paa kahit balot na ito ng kumot. Ayoko namang pag-gising ko, katabi ko na ang paniki at tinititigan ako ng kanyang nanlilisik na mga mata. Di bale, hahanap ako ng oras na mag-general cleaning sa aking silid at sana, hindi ako nagkamali sa aking hinala. Sana’y nakapuslit siya sa gabing madilim habang ako’y natutulog sa sala.

13.6.11

Timpla ng Sayaw at Drama sa Pelikulang "In the Name of Love"

            Madrama ang mga tagpo sa pelikulang In The Name of Love na idinirek ni Olivia M. Lamasan ngunit hindi lang naman iyak ang ihahatid nito. Matatawa ka rin sa mga eksenang pinagbibidahan ng magsing-irog na sina Eman Toledo (Aga Mulach) at Cedes Fernandez (Angel Locsin) noong buhay pa ang kanilang pag-iibigan at hindi pa ganoon kabigat ang balakid na dumaan sa kanilang pagmamahalan – ang balakid na umapekto nang malaki sa kanya-kanya nilang mga buhay.
          Ipinakita sa pelikula ang isyu na kinahaharap ng mga OFW na nagtatrabaho sa Japan gaya na lang ng pagiging sangkot nila sa mga illegal na transaksyon sa mga sindikatong Hapones para lang makapadala ng pera sa mga naghihirap na mga kapamilya sa Pilipinas. Sa kasamaang palad, kapag nahuhuli ang mga Pinoy, hindi na nila makakapiling ang mga kamag-anak sapagkat nakukulong sila sa bayang banyaga kung saan wala silang kalaban-laban.
           Naipahiwatig ang suliraning ito sa paraang ito ang pinagmulan ng pagbabago ng mga katangian at karakter ng dalawang bida. Si Cedes, na nagtatrabaho bilang entertainer sa Japan ay isang masigla, makulit, at madaldal na dalaga. Pagkatapos ng naturang problema, siya ay naging tahimik, matamlay, at seryosong kasintahan ng isang politiko. Si Emman naman ay mananayaw sa Japan na umibig  kay Cedes ngunit naging mas matibay at mas malakas na tao pagkatapos humiwalay ang kanilang mga landas. Aabangan ng mga manonood ang mga nakakailang, nakakaiyak, at mga maiinit na eksena noong muling nagkita ang dalawa.
           Kahit hindi kilalang mga mananayaw sina Aga Mulach at Angel Locsin, mapapansing kabisado at napaghandaan nila ang kanilang mga sayaw. Minsan, matatawa ka at maninibago sa kanilang mga galaw. Paborito ko ang pole dancing ni Angel at yung old-school dance number ni Aga sa unang parte ng pelikula kung saan sumayaw siya ng hip-hop. Hanga rin naman ako sa mga praktisado nilang mga kumpas kapag sumasayaw ang sila ng ballroom.
           Tama lang na rated PG-13 ang pelikula dahil aabangan mo ang pagpapakita ni Angel ng hubog ng katawan at may mga eksena rin na talagang malalim ang halikan upang mas maging makatotohanan ang eksena.
          Mayroong mga flashbacks ng mga tagpo sa Japan noong nagkaharap na ang dalawa upang ilabas sa isa’t isa ang kanilang mga hinanakit at paghihinayang. Dahil dito, naging mahusay ang paghubog ng kwento dahil hindi agaran ang pagbigay ng mga katotohanan sa likod ng mga problemang kinahaharap ng mga katauhan. Magiging klaro lang ang buong istorya kapag ipinagpatuloy mong susubaybayan ang mga tagpo na bubulagta sa iyo patungo sa pagtatapos.
              Naging mahusay din ang pag-ganap ni Jake Cuenca bilang Dylan Evelino sa kanyang karakter. Siya ay tulad din ng mga anak ng mga politiko na napipilitang pumasok sa magulong mundong ito. Hindi rin dapat kaligtaan ng mga manonood ang eksena kung saan sumayaw siya kasama ni Aga at Angel kung saan naipahiwatig ang selosan  sa pagitan ng dalawang lalake.
          “Kapag lumingon ka, akin ka.”Ito ang linyang kadalasang sinasabi ng dalawang bida. Tumutukoy ito sa tinatawag nilang tadhana na kahit anong bagyo mang dumating sa pagitan ng nagmamahalan, sila pa rin ang haharap sa altar sa huli.
        Sa mundong ating ginagalawan ngayon, maraming humahadlang sa ating mga mithiin sa buhay gaya na lang ng karukhaan, pagkasilaw sa kayamanan, at ibang mga pansariling demonyo na kumikitil sa ating mga sarili. Kapag mananaig ang kapatawaran, pag-asa, at higit sa lahat, pag-ibig, hindi malayong makakamtan ng ating mga puso ang katahimikan na ninanais nito habang patuloy nating inaabot ang ating mga pangarap. Ito ang mga kaalaman at asal na maaari nating makukuha sa pelikula.  

4.6.11

MGA KWENTONG ULAN

         Malamig ang gabi ngayon kasi umuulan at medyo malakas ang hangin. Kaya lang, papalapit na naman ang mga nakakapinsalang mga bagyo. Ngunit hayaan muna natin ang mga Chedeng, Frank, Ondoy, at kung anu-ano pang mga bagyo at ramdamin na lamang ang lamig at nakaka-relax na tipo ng panahon na gaya ngayon- umuulan-ulan lamang at hindi nakakalipad ng pader ang ihip ng hangin. Sakto lang. Kaya nga gustong-gusto ko nang matulog ngayon.
          Nasasayahan ako kapag umuulan at nariyan lang ako sa bahay at nakapalupot sa aking katawan ang malambot na kumot. O ‘di kaya titimpla ako ng mainit na tsokolate o kape na tila pinapaganda ang daloy ng dugo sa aking kaugatan. Minsan naman, bubuksan ko ang bintana at pagmamasdan ang tila maliliit na talong umaagos mula sa kisame ng bahay.
          Noong musmos pa lamang ako ay sabik akong maglaro sa ilalim ng ulan kasama ng aking mga kapatid, pinsan, at mga kaibigan. Pupunta kami sa poso sa likuran ng aming bahay kung saan masaya naming binubuhusan ang bawat isa ng naiipong tubig sa balde. Tapos, tatakbo kami patungo sa kalsada at maghahabulan. Hindi namin alintana ang mga taong nagsisitinginan sa amin habang sakay sila ng kanilang mga sasakyang nagsisidaan sa kalye. Tinatampisaw namin ang aming mga paa sa kumukolektang tubig sa lupa. Noon, akala ko, kapag umuulan ay humihikbi ang Diyos mula sa kalangitan. Ngayon, medyo naniniwala pa rin ako rito.
          Makailang ulit din akong  umuwi sa bahay mula sa paaralan na basang-basa ang uniporme. Minsan kasi, umaangkas ako sa traysikel at kapag bumuhos ang ulan nang wala ni anumang hudyat, wala ka nang magagawa  kung hindi magpakabasa  hanggang sa makarating sa bahay. Kapag ganito ang nangyayari, niraramdam ko na lang ang ulan na dumadampi sa aking mukha at iniisip ko na noong bata pa ako ay tila walang araw na umuulan na hindi ako lumabas ng bahay upang maligo.
          Ito ang tatlong kwentong ulan na hanggang sa ngayon ay hindi ko malilimutan.
  1. Sinamahan ko ang aking tiya na kumuha ng mga pakwan sa isang palayan na malayo sa amin. Habang binabaybay namin ang palayan, biglang umulan nang todo. Nilakad lang namin pauwi dahil walang dumadaang traysikel. Dala-dala namin ang mga mabibigat na pakwan sa aming mga kamay. Ang panangga lang namin sa ulan ay ang mga plastik sa aming mga ulo na dapat sana’y lalagyan namin ng mga pakwan.
  2.  Noong hayskul ako, lumabas kami ng aming mga kaibigan noong isang weekend para maghanap ng mga tindahang nagbebenta ng flute para sa aming music class. Nang nakabili na kami, napagdesisyunan naming pumunta sa bahay ng isa naming kaibigan para doon magpahinga at magpraktis ng instrumento. Nang nagbabantay na kami ng sasakyan, biglang umulan nang malakas. Mahirap pa namang makahanap ng jeep noong makulimlim na panahong iyon. Tumawid kami mula sa isang kalye papunta sa iba pang mga kalye na sinisiguro naming hindi kami ganoong mababasa. Tawa nga kami nang tawa habang naglalakad at nagtatakbo patungo sa mga sisilungan. Nakarating din kami sa wakas sa bahay ng aming kaibigan  at doon, hinubad namin ang mga mga sapatos pati na rin ang aming mga basang medyas. At doon, pinatugtog namin ang mga bago naming flute na pinapanalanging hindi madadagdagan ang lakas ng ulan.
At ang finale....

  1. Dahil isa akong butihing nursing student noon, maaga pa lang ay nakabihis na ako sa aking duty uniform. Umuulan nang todo noong panahong iyon. Tinext ko ang aking mga ka-dutymates kung merong pasok. Dahil walang reply ay tumuloy na lang ako. Laking gulat ko na wala akong nakitang mga ka-dutymates sa terminal kung saan sasakay kami ng jeep papunta sa isang district hospital. Kapag tumingin ako sa aking paligid, ang mga puno ay parang lilipad sa lakas ng hampas ng hangin sa mga sanga nito. Ang bubong ng terminal ay parang malilipad din. Kinabahan ako.  Doon ko nalaman sa isang drayber na wala raw pasok ang lahat ng paaralan dahil may bagyo.  Hindi na ako umuwi sa bahay dahil parang wala namang sasakyan pauwi kaya’t dumiretso na lamang ako sa bahay namin sa city. Nalaman ko roon na binaha raw ang aming tahanan dahil rumagasa sa aming barangay ang tubig mula sa ilog na nakapalibot dito. Wala namang baha doon sa bahay na tinutuluyan ko kaya’t nagpapasalamat talaga ako sa Panginoon dahil hindi na ako umuwi pa. Kung nakauwi ako, baka naabutan pa ako ng mabagsik na baha at tinangay na ako kung saan-saan.
          Ito ang mga kwentong ulan ko. At sabik akong malaman ang iba pang mga kwentong ulan na maaari kong harapin sa buhay. Humanda nang mabasa!