6.1.12

Patunayan sa Gawa na It's More Fun in the Philippines!

          Ba't kaya masaya rito sa 'Pinas? Tanong ko ito sa aking sarili nang makita ko ang bagong slogan na "It's more fun in the Philippines" na inilunsad ng gobyerno para mapayaman ang turismo sa bansa. Simple pero may dating! Klaro nitong naipararating sa mundo ang gusto nitong ipahayag at samahan mo pa diyan ang makulay na mapa ng Pilipinas na hango ang disenyo sa banig.
          It's more fun in the Philippines dahil malaki ang pagpapahalaga ng mga Pilipino sa kanilang mga pamilya. At kahit hindi nila kamag-anak, binibigyan din nila ng pagmamahal at importansya.
          It's more fun in the Philippines dahil kapag may mga bagyo o anumang unos na darating, nakamamangha ang bayanihang naipamamalas ng mga Pilipino.
          It's more fun in the Philippines dahil may nakatago itong mga paraiso gaya ng mga magaganda at nakahuhulog-panga na mga baybayin.
          It's more fun in the Philippines dahil kahit sa mga simpleng pagkain ay masaya na sila gaya ng tuyo, taho, isaw, kakanin, balut, kwek-kwek, at ang pandesal na inilalako ng mamang nakabisikleta tuwing umaga.
          It's more fun in the Philippines dahil kahit anong hirap ng buhay ay nagagawa pa ring mailabas ng mga Pinoy ang mga malalambing at matatamis nilang mga ngiti.
          It's more fun in the Philippines dahil alam mong kahit saan ka pumunta, kung mawawala ka man, mayroong dadamay sa iyo at tutulungan kang makarating sa gusto mong paroroonan.
          Ito ang ilan lamang sa hindi ko mabilang na mga kasagutan sa tanong ko kani-kanina lamang. Batid kong mayroon pa ring ibang mga taong bumabatikos sa bagong slogan na ito ng Department of Tourism ngunit sa akin, swak na itong kampanya para mahikayat ang mundo na diskubrihin ang ating lupang sinilangan. Sana lamang ay mapatunayan nating mga Pinoy na tunay ang ipinapahiwatig ng kampanyang ito ukol sa atin - - na tayo'y maasikaso at maalagain sa mga bisita, hindi mahirap pakisamahan at siyempre, marunong tayong tumawa at magsaya. Higit sa lahat, ating pinapahalagahan ang sariling atin at pinoprotektahan ang angking likas na yaman ng ating bansa.
          Action speaks louder than words, ika nga. Kung mapapatunayan ng kahit isang turista na totoo nga na "it's more fun in the Philippines", sa tingin ko hindi siya magdadalawang isip na hikayatin ang kanyang mga kababayan na danasin din ang kakaibang saya na kanilang mararamdaman sa piling ng ating mga mamamayan. Higit sa ano pa man, tayo ang hiyas ng ating bansa. Mabibigyan lamang natin ng hustisya ito hindi sa kung anong makukulay na salita, kung hindi, sa gawa.

No comments:

Post a Comment