Akala ko gagawa ang lolo ko ng forest fire. Kakatakot talaga. Kasi naman, noong nagbabantay ako ng tindahan namin, pumunta siya sa aming bakuran at doon ay sinunog ang nakatambak na mga tuyong dahon at sanga kung saan malapit na nakatayo ang malaking punong mangga.
Laking gulat ko at ng aking lola nang nakaaamoy kami ng usok at nasilayang lumiliwanag ang bakuran. Bigla akong lumabas at dali-daling kinuha ang bitbit na tubig ng aking lolo upang ibuhos sa naglalagablab na mga basura. Nakakakaba. Abot na ng apoy ang mga sanga ng punong Mangga at kung hindi agad agad maapula ito, tiyak masusunog din ang puno.
Alam kong hindi na makakaya ng aking lolo na bumuhat ng tubig upang ibuhos sa kabundok na mga tuyong dahon at sanga na nasusunog. Isa pa, malayo-layo masyado ang lalakarin mula sa iniigiban ng tubig papunta sa mga tinambak na basura. Hindi ko na alintana ang pagod ng pagkuha ng tubig at ang pagtakbo patungo so likuran ng bakuran. Na feel ko talaga ‘yung tinatawag na adrenaline rush! Pagkatapos kong ibuhos ang isang balde, bibilisan ko uli ang pag-igib ng tubig sapagkat mabilis na namang umalab at lumaki ang apoy sa mga parte ng basura na hindi pa nababasa.
Salamat naman at tumulong ang kapitbahay namin- nagbukas-loob sa amin ang isang bata sa pagbuhos samantala ang kanyang itay ay nag-igib. Pabalik-balik ako at ang bata sa nagdadabang basura hanggang sa ni isang maliliit na mga apoy ay natupok na namin.
Naisip ko tuloy ang mga nangyayaring mga forest fires sa mundo. Sa sobrang init, nasusunog ang mga kagubatan na siyang naging dahilan ng pagkalbo ng mga bundok at pagkawala ng tirahan ng mga hayop. Napagtanto ko na kung hindi namin natupok ang apoy agad-agad at hinayaan na lang na masunog ang punong Mangga, tila marami pang mga puno ang magiging abo. Sa aming bakuran, may mga puno ng saging, bayabas, at iba pang mga kakahuyan na nakapalibot. Maaaring sa isang iglap, magiging isang malaking lupang walang buhay ang aming bakuran.
Hindi ko masisisi ang lolo. Matanda na siya at kailangan ng pag-gabay. Sa kabilang banda, nakita ko na kapag apoy na ang maminsala, tila wala itong sinasanto. Kapag hindi mo ito matigil, patuloy itong maghahasik ng lagim- sa mga kabahayan, sa mga malalaking gusali, at higit sa lahat, sa kalikasan. Ang kailangan ay tulong-tulong. Sa ganitong paraan, matutupok natin ang kahit anong problema na dumaan sa ating buhay.