27.12.13

Karoling na Tagos sa Puso

Nagkakaroling na naman ang mga bata't matatanda sa amin tarangkhan. Habang ako'y nakikinig sa kanilang mga naghahalong mga tinig, hindi ko maiwasang maisip ang mga dahilan kung bakit ipinagpapatuloy nila ang tradisyong ito ng kapaskuhan. Ano kaya ang gagawin nila sa pera na kanilang malilikom?

Sariwa pa sa atin ang nakapanlulumong epekto ng bagsik na Yolanda na humampas sa kabisayaan. Maraming mga buhay ang nakitil at tila natapos nang biglaan. Libu-libong mga pamilya ang nawalan ng pamamahay at hanapbuhay. Ngayon, nakatira na lamang sila sa mga temporaryong "tents", nakipagsiksikan sa iba pang mga nawalan ng bubong. Kung hindi man sila maaagrabyado sa sakuna, e malalagay din naman sa kapahamakan ang kanilang mga kalusugan.

May mga batang nagkaroling sa labas ng aming bahay ngayong Linggo lamang. Kasama nila sa pagkanta ang magkakapatid na galing pa ng Tacloban at dito na lamang sa Iloilo tumira kasama ng kanilang tiyahin upang makabangon sa trahedyang dulot ng Yolanda. Sa kanilang tinig, maririnig mo ang tila tagos sa pusong mensahe ng kanilang kanta. Mapapaluha ka. Siyempre, inabot namin ang aming aguinaldo sa kalagitnaan ng kanilang pagkaroling. Sana, iyon ay makatutulong upang ngayong pasko, magkaroon din sila ng simpleng handang pagsasalu-saluhan ng kanilang pamilya.

Sinu-sino pa ang mga taong nagpadama sa amin ng kapaskuhan sa pamamagitan ng musika? Naroon ang mga grupo ng senior citizens. Naroon din ang mga miyembro ng Knights of Columbus. At siyempre, hindi mawawala ang mga batang may mga dumi pa sa mukha habang kinakanta o di naman kaya'y sinisigaw ang kanilang mga handang karoling. Kahit na hindi nila memoryado ang lyrics ng kanilang kinakanta ay hindi nila ito alintana. Masisilayan mo ang matatamis nilang mga ngiti habang tinatanggap nila ang munti naming aguinaldo.

Siguro, kung walang may nagkakaroling, maaaring madarama mo rin na parang hindi kompleto ang Christmas. Nasanay na kasi tayo sa tradisyong ito. Pero higit kailanman, ang pinaka-importanteng bagay na tatandaan tuwing kapaskuhan ay ang kaarawan ni Hesus. Sa araw kasing ito, tayo ay pinaaalalahanang magmahalan lagi at iwan na ang mga galit at hapis ng nakaraan. Tayo ay kumanta na lang sa himig na nagbibigay ligaya kay Hesus na siyang nagmamahal sa atin nang labis labis.