4.9.12

Kay Sarap Mag-bike

       Masarap ang mag-bike. Yun bang kung saan-saan ka nakararating nang hindi mo na pinoproblema ang gasolina at pamasahe. Yun nga lang, mararamdaman mo yung pangangalay ng iyong tuhod o di kaya yung pawis na tumatagiktik sa iyong ulo at likuran. Pero, okay lang. Masarap din naman yung mga panibagong mga tanawin na tila naglalaro sa iyong mga mata.
       Yung lumang mountain bike na siyang ibinigay ng aking tito ay pina-ayos ko sa aking itay. Kesa naman hayaan ko na lang itong kitkitin ng kalawang sa bodega. Binilhan ito ng bagong upuan at mga kambyada. Nilagyan din ito ng ilaw upang hindi ka masagasaan 'pag gabi. Pininturahan pa ito upang maging "brand new" yung kalalabasan at para naman halatang hindi mo pinababayaan yung bike mo.
       Maraming naidudulot na maganda ang pag- bike. Mainam itong ehersisyo sapagkat napapanatili nito ang maayos na timbang at pinalalakas nito ang puso mo. Masarap ang mag-bike tuwing umaga sapagkat ang sikat ng araw ay hindi ganoon kalakas at malamig pa ang simoy ng hangin na tila lumilipad ang feeling mo.
       Kung maaari sana, gumamit na lang ng bike yung mga tao kung malapit lang naman ang kanilang pupuntahan. Sa paraang ito kasi, nakakatulong sila sa pagbawas ng polusyon na dumudumi sa ating kahanginan na siya namang nagdudulot ng kung anu-anong mga sakit. Hindi ba't marami talagang biyaya ang dala ng pagba-bike?
       Kung merong isport siguro na gusto kong salihan, yun ay biking. Kaya lang medyo nangangailangan ito ng matinding training. Pero siguro, makakarating din tayo sa puntong iyan. Lahat naman ng bagay natutunan basta't gusto mo at mahal mo ang iyong ginagawa. Nakakaaliw ngang tingnan yung mga bikers na mabilis na dumadaan sa aming lugar. Nakasuot pa nga sila ng kumpletong "gear" para maiiwasan nila ang mga aksidente. Nakakainggit.
       Kailangan, lahat tayo ay may kinakaabalahang isport o di kaya'y gawain na makapagbibigay sa ating katawan ng sapat na ehersisyo. I believe that health is wealth. O di ba, bagong-bago? Hahaha. Pero totoo, mahirap magkasakit dahil mahal ang ospital. At maiiwasan natin ito kung aktibo nating napapanatili ang malakas na pangangatawan.
       O, magba-bike na ako. Sama ka?