2.11.10

Luluha Ka Sa Sa 'Yo Lamang

Noong elementarya ako, hindi ko malilimutan ang pelikulang “Tanging Yaman” na idinirek ni Gng. Laurice Guillen. Kaya naman nang nalaman ko na may ipalalabas siyang bagong pelikula na ang pamagat ay “Sa ‘Yo Lamang”, hindi ko na pinalampas ang pagkakataong makanood nito.
Ang “Sa ‘Yo Lamang” ay isang sine patungkol sa pamilya at ang sari-saring mga problema na pinagdadaanan nito sa buhay. Nang nanood ako nito, talaga namang hindi ako nabigo. Mahusay ang pag-ganap ng mga aktor na siya namang pinalutang ang iba’t-ibang ugali, pananaw, at emosyon ng bawat karakter. Hindi mo masisisi ang mga manonood na nagsisipag-iyakan dahil tunay na nakadadala ang kada eksena  na lumalahad ng mga suliranin ng isang pamilya at ang mga solusyon na maaari  nilang tatahakin. Hindi ko rin maiwasan na maluha. Ang mga nasa likuran ko nga ay dinaan na lang sa tawa ang mga nakahihikbing eksena para siguro hindi nila maipahalata sa bawat isa na sila’y umiiyak na.
Ang istorya ay umiikot sa pamilya Alvero.  Ang ugat ng problema ay nang iniwan ng haligi ng tahanan (Christopher De Leon) ang asawa nitong si Amanda Alvero (Lorna Tolentino) at ang apat nilang anak na sina Dianne (Bea Alonzo), Coby (Coco Martin), James (Enchong Dee), at Lisa (Miles). Ang paglisan ng ama ang naging simula ng dagok at paghihirap nina Amanda at ang mga anak nito.   Nagsimulang magbenta ang butihing ina ng kung anu-ano para lang makapagtapos ang mga anak at mabigyan sila ng magandang kinabukasan. Si Dianne ay hindi na ipinagpatuloy ang kursong arkitektura at pinasok na lamang ang interior design upang matustusan agad ang pangangailangan ng mga nakababata niyang kapatid. Siya ang tumayo bilang ama kaya naman ang utos niya ang laging nasusunod. Ganoon na lang ang kanyang gulat at galit na pagkatapos ng sampung taon, nagbalik ang kanilang ama sa paanan ng bagong bahay na kanyang pinaghirapan at ipinundar. Ganoon pa man, bukas pa ring tinanggap ni Amanda ang kanyang asawa at pinatuloy sa bago nilang bahay at buhay. Sa kasamaang palad, sa hindi inaasahang pagkakataon, nalaman ni Coby ang sikreto ng ama na ang babaeng iniwan nito ay siya niyang nabuntis at hindi nito nasabi kaagad-agad sa asawa. Dahil sa sakit ng nararamdamang pagtaksil, nagkulong si Amanda nang tatlong araw sa silid nito at doon siya nagmakaawa at humikbi sa harap ng kanyang altar at doon rin niya nabatid ang senyales na kanya na lamang hinihintay- nasilayan niya ang dugo mula sa kamang kanyang hinihigaan.  Nasa 4th stage na pala siya ng cervical cancer at inilihim lamang niya ito sa kanyang pamilya noong hindi pa niya nabatid ang mga inaasahang senyales. Sa pagkasakit ng ina, magkakaroon ng direksyon sa pagtatapos ng istorya- ang mga hindi pagkakaunawaan ay maaayos, magkakaroon ng pagpapakumbaba, at higit sa lahat, iiral ang kapatawaran sa bawat miyembro.
Pero ang tanong, paano pagbubuklurin ni Amanda ang kanyang pamilya sa gitna ng kanyang pagkakasakit? Bilang isang ina, responsibilidad niyang tulungan ang mga anak sa mga kaniya-kaniya nilang problema. Sa kanyang mga nalalabing oras sa mundo, gagawin niya lahat upang magbalik ang pagmamahal sa kanyang pamilya at isa na roon ang patawarin ang asawang nagkasala upang masigurado na may kahinatnan ang mga anak na malapit niya nang iwan.
Kahit drama ang pelikulang ito, hindi rin naman mababagot ang mga manonood dahil maraming nakasosorpresang mga eksena. Ang bawat karakter ay naging mahalaga sa pagpapaganda ng takbo ng istorya at nagbigay ng kulay sa mga suliraning bubulagta kay Amanda at sa kanyang pamilya. Nariyan si James na nawalan ng iskolarship dahil sa pagpuslit ng leakage para sa isang pagsusulit. Nang nangyari ito, hindi niya alam kung anong magiging reaksyon ng ate niyang laging pumipressure sa kanya. Si Coby naman ay kumukuha ng nursing dahil sa kagustuhan ni Dianne na makatulong din ito sa pamilya. Laking galit na lang ng nakatatandang kapatid nang nalaman nitong may nabunitis si Coby. Samantala, naguguluhan pa rin si Dianne sa estado ng kanyang pag-ibig. Nahuhumaling ito sa una niyang mahal (Diether Ocampo) kahit engaged na ito sa kasalukuyan niyang nobyo (Zanjoe Marudo). Matindi ang kanyang pagsisisi nang nalaman niya na ang kinahuhumalingang ex ay may nobya na pala. Ang pinakabata namang kapatid na si Lisa ay pinagdadaanan pa lamang ang mga nakakailang na mga tagpo sa hayskul lalung-lalo na pagdating sa pag-ibig.  
Nakakagulat din ang biglaang pagsulpot ng isang babae (Shaina Magdayao),  na sa panahong iyon ay dinadala sa sinapupunan ang magiging anak nila ng tilang rebelde na si Coby. Hihingi ang babae ng tulong kay Amanda dahil wala na itong matatagbuhan sapagkat ulila na ito sa mga magulang. Tinulungan naman agad siya ni Amanda at pinatuloy pa sa kanilang bahay at pinapatulog sa kwarto mismo ni Coby kahit hindi ito gusto ng anak. Nariyan din ang paglabas ng isa pang anak ni Amanda sa ibang lalaki noong panahong nag-aaway sila ng kanyang asawa. Hinanap niya ang naulila nitong anak (Empress) noong mga oras na nagkakasakit na siya at natagpuan niya ito sa isang liblib at mala-iskwater na lugar.
Mabilis ang takbo ng istorya kaya’t masusundan talaga ang bawat pag-iiba ng mga eksena. Nakukunan ng kamera ang bawat anggulo ng emosyon na ipinapakita ng mga artista. May laman ang bawat salita na binibitawan ng mga karakter na talaga namang mapupulutan ng aral.
Ang pelikulang Sa ‘Yo Lamang ay isa na namang pelikula na maipagmamalaki nating mga Pilipino dahil tumutukoy ito na ang pamilya ay dapat hindi nagkaka-iringan kung hindi laging nagdadamayan. Ang napakahalagang leksyon na makukuha natin mula sa pelikula ay ang kahalagahan ng pagpapakumbaba at kapatawaran. Hindi nakapagtataka na ipinapalabas ang sineng ito sa mga eskwelahan upang siguro mapamulat sa mga kabataan ang importansya ng Diyos sa bawat pinagdadaanan ng tao, mapa-pamilya man ‘to o mapa-personal. Kaya naman kung manonood ka ng Sa ‘Yo Lamang, huwag kalimutang baunin ang panyo o ‘sandosenang tisyu at pati na rin ang bukas na isipan sa mga aral na kapaki-pakinabang sa totoong buhay.